January 23, 2025

Donald Trump, asawa positibo sa COVID-19

KINUMPIRMA mismo ni US President Donald Trump na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sa kaniyang official Twitter account, sinabi ni Trump na kasama niyang nagpositibo ang kaniyang maybahay na si Melania Trump sa COVID-19, na kumitil sa buhay ng mahigit sa 200,000 Amerikano at mahigit sa 1 milyong katao ang tinamaan sa buong mundo.

“Tonight, @FLOTUS and I tested positive for COVID-19. We will begin our quarantine and recovery process immediately,” paglalantad ng pangulo.

“We will get through this TOGETHER!,” dagdag pa niya.

Natanggap umano ng kanyang doktor na si Sean Conley ang kumpirmasyon ng positive coronavirus test result ng mga Trump, Huwebes ng gabi.

Unang sinabi ng US President na magka-quarantine sila ng first lady matapos magpositibo sa virus ang isa niyang aide na si Hope Hicks.

Magugunita na isa si Trump, 74, sa mga hindi sumasang-ayon sa pagsusuot ng face mask kahit mataas na ang kaso ng coronavirus disease sa Amerika.

Para naman sa unang ginang ng Amerika, tiniyak nito na maayos naman daw ang kalagayan nila.

Lahat daw ng schedules ni Melania ay ipinagpaliban muna habang sila ay nasa self-quarantine sa White House.

“As too many Americans have done this year, @potus & I are quarantining at home after testing positive for COVID-19. We are feeling good & I have postponed all upcoming engagements. Please be sure you are staying safe & we will all get through this together,” ani Melania sa kanyang Twitter account.