January 26, 2025

DOLE SEC. BENNY LAGUESMA, LUSOT NA SA CA

PORMAL nang nakumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments ang ad interim appointment ni DOLE Sec. Benny Laguesma ngayon Martes.

Sinuportahan ng buong mayorya ng CA ang kumpirmasyon ni Sec. Laguesma.

Naudlot ang paglusot ni Laguesma sa CA noong nakaraang linggo dahil sa kahilingan ni Sen. Risa Hontiveros na ipagpaliban para sa ilang katanungan pa nya sa kalihim.

Kinuwestyon ni Hontiveros ang kredibilidad ni Laguesma sa pagiging pro-management nito nang hawakan ng kanyang law firm ang kaso ng Philippine Airlines(PAL) nang magwelga ang mga kawani nito.

Nagsimula ang government career ni Laguesma nang magsilbi bilang labor arbiter sa Ministry of Labor and Employment noong panahon ni dating Pangulo Ferdinand Marcos, Sr. at ngayon ay itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr na kalihim.

Naglingkod din bilang DOLE Undersecretary mula noong 1990 hanggang 1996 sa panahon nina dating Pang. Corazon Aquino at Fidel V. Ramos.

Mula 1996 hanggang 1998, nagsilbi rin Laguesma bilang Presidential Assistant ni FVR.

Naging DOLE Secretary sa panahon ni dating President Joseph Estrada mula 1998 hanggang 2001.

Sa panahon ni dating Pang. Noynoy Aquino, naglingkod naman bilang Commissioner of the Social Security System.

Nag-aral si Laguesma Lyceum of the Philippines University na nagtapos ng political science noong 1971.

Nagtapos ng law sa Ateneo de Manila University noong 1975. Naging Colombo scholar at nagtapos ng kursong administration sa Royal Institute of Public Administration taong 1985. Taong 1984, kumuha naman ng CES Development Program sa Development Academy of the Philippines (DAP).