June 12, 2025

DOLE NAGTAKDA NG PAY RULES SA ARAW NG KALAYAAN

MAYNILA — Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga manggagawa sa pribadong sektor ay may karapatang tumanggap ng 100 porsyentong sahod sa darating na Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, kahit hindi sila pumasok sa trabaho, basta’t natugunan nila ang itinakdang kondisyon.

Ayon sa Labor Advisory No. 08, Series of 2025 na nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga empleyadong hindi papasok sa regular holiday ay dapat pa ring bayaran ng buong arawang sahod, kung sila ay pumasok o naka-leave na may bayad sa araw bago ang holiday.

Kung ang araw bago ang holiday ay natapat sa non-working day o pahingang araw (rest day) ng empleyado, karapat-dapat pa rin siyang tumanggap ng holiday pay kung siya ay pumasok o naka-leave na may bayad sa araw bago ang nasabing non-working day o rest day.

Samantala, ang mga empleyadong papasok sa Hunyo 12 ay dapat tumanggap ng 200 porsyento ng kanilang arawang sahod para sa walong oras ng trabaho.

“Para sa trabahong ginawa sa regular holiday, ang employer ay dapat magbayad ng kabuuang 200% ng sahod ng empleyado para sa unang walong oras,” pahayag ng DOLE.

Para naman sa mga lalampas sa walong oras ng trabaho, makatatanggap sila ng karagdagang 30 porsyento ng hourly rate.

Dagdag pa ng DOLE, kung ang Araw ng Kalayaan ay tumapat sa pahingang araw ng empleyado at siya ay pumasok, dapat siyang bayaran ng dagdag na 30 porsyento ng kanyang 200% na sahod. Kung may overtime, may karagdagang 30 porsyento pa ng hourly rate ang dapat ibigay.

Hinihikayat ng DOLE ang mga employer na sumunod sa mga alituntunin upang matiyak ang karampatang kompensasyon para sa mga manggagawa ngayong pagdiriwang ng pambansang kalayaan.