November 5, 2024

DOLE: MANGGAGAWA NA TINAMAAN NG COVID-19 MAY P30K (COVID-19 kabilang sa compensable illness)

Bago pa man ang Labor Day, inanunisyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang panukala para sa mga manggagawa na tinamaan ng COVID-19 sa panahon ng kanilang pagtatrabaho na maari silang makatanggap ng P30,000 bilang kompensayon o kabayaran mula sa gobyerno.



Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong araw, sa ilalim ng naarpubahan na Employees Compensation Commission (ECC) Board Resolution No. 21-04-14, itinuturing na “compensable illness” ang COVID-19.

Kabilang sa mga inilatag na kondisyon ng ECC ay dapat na suportado ng diagnostic proof gaya ng RT PCR test result ang pag-claim ng kompensasyon.

Tinukoy rin sa resolusyon ang risk ng trabaho ng isang manggagawa gaya ng mga healthcare worker, mga miyembro ng screening at contact tracing team at iba pang kahalintulad nito.

Kasama rin sa inilatag na kondisyon ng ECC ay dapat na ang trabaho ng isang manggagawa ay nangangailangan ng face to face o may close interaction sa tao. Kabilang rin sa kondisyon sa pagclaim ay dapat nakuha ang virus sa lugar ng paggawa o habang nagko-commute papasok o pauwi sa trabaho.

Sinabi ni DOLE Director Rolly Francia, ang naturang halaga ay kailangan pa ring maaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“The amount is recommended by the ECC Board for approval by the President,” saad ni Francia sa mga reporter.

Nang tanungin kung ang ipinanukalang kabayaran ay nakasasalay sa kalubhaan ng karamdaman, sagot ni Bello na walang pagkakaiba.

“Basta COVID-19, P30,000. Kung halimbawa, kakailanganin ng operation or additional hospitalization, andiyan naman ang ating PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation),” wika ni Bello.

Umabot na sa mahigit 1 milyon kaso ng COVID-19 na kaso ang naitala sa Pilipinas noong Lunes.