December 24, 2024

DOJ: WALA PANG US REQUEST PARA SA EXTRADITION NI QUIBOLOY

KINUMPIRMA ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na wala pang natatanggap  na kahilingan ang Department of Justice  para ma-extradite sa Amerika si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.

Sa press briefing kanina, sinabi ni Secretary Remulla na sasailalim pa sa proseso ang extradition request na unang babagsak sa Department of Foreign Affairs bago makarating sa DOJ.

May kaugnayan ang extradition sa kasong conspiracy to commit sex trafficking operations sa mga kababaihan laban kay Quiboloy at dalawang iba pa.

Hinihintay pa aniya nila ang kahilingan ng Amerika para dito.

Samantala, tumanggi na si Remulla na patulan ang mga patutsada ni Quiboloy laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos

Sa halip, ikinumpara  na lamang ng Kalihim ang tinagurian niyang rant o emosyonal na pagrereklamo ni Quiboloy sa mga maaanghang na pahayag nina Dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr at dating BuCor Chief Gerald Bantag matapos masangkot ang mga pangalan sa kontrobersiya at krimen.