January 23, 2025

DOH: Bagong variant ng SARS-COV-2 mayroon na sa Pilipinas

KINUMPIRMA ng Department of Health na may presensya na sa Pilipinas ng G614 variant ng SARS-COV-2, isang causative agent ng COVID-19 o nagiging ahente sa pagkakaroon ng covid virus.

Ang pahayag ng DOH ay ayon sa pagsusuri ng Philippine Genome Center (PGC) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na may nakitang G614 variant ng SARS-COV-2 sa sample ng positive cases mula sa Quezon City.

Ayon sa DOH, ang D614D mutation ng virus na naging dahilan sa pagsulpot ng G614 variant ay una nang naiulat sa maraming mga bansang may covid 19, at halos pinalitan na nito ang  D614 virus sa maraming mga bansa sa Europe at America.

Pinaliwanag gayunman ng PGC na  bagaman kumpirmadong may presensiya ng   G614 sa Pilipinas, lahat ng samples na sinuri ay mula lamang sa Quezon City at hindi nangangahulugan na ang mutation ay kumalat na sa buong panig ng bansa.

Ayon pa sa PGC, wala pa ring matibay na ebidensiya na ang mga carrier ng G614 variant ay mas madaling makahawa kumpara sa mga carrier ng D614 variant at hindi rin nakakaapekto ang mutation ng virus sa clinical outcome.

Ayon naman sa RITM, wala pa ring matibay na pag-aaral na tutukoy sa epekto ng virus mutation at epekto nito sa pagdevelop ng bakuna kontra Covid.

Bagamat bagong impormasyon ito, nilinaw  ng DOH na anuman ang variant ng virus na nagdudulot ng community transmission, ang importante sa n ay ang mahigpit na preventive measures para makaiwas sa corona virus.