February 23, 2025

DOF, pangungunahan ang DBP para sa mas matatag na pananalapi at mas malawak na suporta sa pag-unlad

Inihayag ng Department of Finance (DOF) na patuloy nilang patatagin ang pananalapi ng Development Bank of the Philippines (DBP).

Sa isang statement, sinabi ng DOF na nakatakdang italaga si Finance Secretary Ralph Recto bilang chairperson ng Board ng DBP sa ilalim ng  ipinasang panukala na babago sa charter ng bangko.

Kamakailan, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong baguhin ang charter ng DBP upang palawakin ang kapangyarihan at tungkulin nito bilang pangunahing institusyong pampinansyal ng bansa para sa kaunlaran.

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, may malinaw na mandato ang DBP—palakasin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagsuporta sa pangmatagalang pangangailangan ng sektor ng agrikultura at industriya.

Aniya, kasama sa mga reporma sa panukalang bagong charter ng DBP ang pagtalaga sa kalihim ng DOF bilang Board chair na naglalayong patatagin ang  bangko at palakasin ang suporta nito sa national development.