December 27, 2024

DMW lilikha ng bagong guidelines para sa Pinoy seasonal workers

Nakatanggap ng commitment ang House Committee on Overseas Workers Affairs mula sa Department of Migrant Workers (DMW) para lumikha ng bagong guidelines upang tiyakin ang proteksyon at kaligtasan ng seasonal Filipino workers sa abroad.

Ito ay na-develop sa isinagawang pagdinig ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo – na siyang chairman ng committee noong Miyerkules.

Tinalakay ng panel ang House Resolution (HR) No. 1343 na inihain ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino sa layong matugunan ang matinding concern kaugnay sa deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Seasonal Worker Program (SWP) sa Korea ng local government units (LGUs).

Sa naturang pagdinig, nabunyag ang mga umano’y illegal na gawain at paglabag sa karapatang pantao sa loob ng SWP. Ang mga pangyayari ng di-umano’y illegal recruitment, labor exploitation, medical neglect, physical abuse, at kalunos-lunos, anim na pagkamatay, ay nagbigay-diin sa agarang pangangailangan para sa interbensyon.

“The SWP was intended to be an employment opportunity for Filipinos, yet it has devolved into a dilemma of hardships endangering their well-being and that of their families,”  saad ni Salo.

Nabanggit din ni Salo ang kanyang  pagbisita sa South Korea noong Mayo 2023, kung saan nakatanggap siya ng mga report sa mga kaso ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa Filipino seasonal workers sa kamay ng mga broker at employer. Dahilan para iparating niya ito sa yumaong DMW Secretary Toots Ople.

Bilang tugon sa nakakabahalang rebelasyon, nangako si DMW OIC Secretary Cacdac na makikipagtulangan para sa bagong guidelines.

“Standardizing protection mechanisms in the SWP and other similar programs is paramount in safeguarding the rights of seasonal Filipino workers abroad,” sambit ng Kabayan.

Iminungkahi pa niya ang pagsasama ng best practices mula sa mga huwarang LGU na sangot sa SWP.. Bukod pa rito, nanawagan si Salo para sa pagtatatag ng inter-agency guidelines na kinasasangkutan ng DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Interior and Local Government (DILG), at Bureau of Immigration (BI) upang palakasin ang pangangalaga sa mga karapatan ng OFW.

Ipinahayag ni Salo ang kanyang pasasalamat kay Cacdac para sa kanyang mabilis na pagtugon at hindi natitinag na pangako sa pagprotekta sa mga Filipino seasonal worker sa ilalim ng SWP. Nangako si Cacdac na alisin ang moratorium sa SWP sa pagpapatupad ng guidelines.