
Naghain ng petisyon para sa diskwalipikasyon ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Christian “Ian” Sia, kandidato sa pagka-kongresista ng Pasig City, dahil sa mga pahayag niya hinggil sa mga single mother sa isang campaign sortie.
Inihain ang reklamo ng Task Force on Safeguarding Against Fear and Exclusion in Elections (SAFE) ng Comelec, na humihiling na madiskwalipika si Sia sa halalan at masuspinde ang kanyang proklamasyon sakaling manalo siya habang hindi pa nareresolba ang kaso.
Ayon kay Task Force SAFE head Sonia Bea Wee-Lozada, “The Task Force SAFE has filed its first petition for disqualification against Christian Sia, who is a candidate for the member of the House of Representatives for the lone legislative district of Pasig City. Since it is a petition for disqualification kasama na ang pag-disqualify kay candidate Sia and, of course, in case the petition remains undecided or unresolved by the time of the elections because we are less than a month away, we also requested for the suspension of his proclamation if ever he wins.”
Saklaw ng petisyon ang dalawang show cause orders (SCOs) na inilabas ng Comelec laban kay Sia. Unang ipinataw ang SCO matapos ang biro ni Sia sa isang campaign rally kung saan sinabi niyang puwedeng makipagtalik sa kanya ang mga single mother na may buwanang dalaw at malungkot, isang beses kada taon. Inilabas naman ang ikalawang SCO dahil sa umano’y makababaeng komento niya sa isa niyang babaeng staff.
Humingi ng paumanhin si Sia sa unang isyu ngunit iginiit niyang hindi ito lumabag sa karapatan ng kababaihan. “My speech, in its entirety, falls within my freedom of speech,” aniya. Gayunpaman, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi sapat ang kanyang paghingi ng tawad at kailangan pa niyang ipaliwanag ang kanyang “misogynistic” na pahayag.
Noong Abril 8, inatasan ng Korte Suprema si Sia na magpaliwanag sa loob ng di na palalawiging sampung araw kung bakit hindi siya dapat patawan ng disiplina kaugnay ng kanyang komento sa mga single mother.
Sinabi rin ni Garcia na posibleng magsampa ang Comelec ng ibang kaso ng diskwalipikasyon laban sa iba pang kandidato na lalabag sa mga polisiya kontra diskriminasyon.
“The Task Force SAFE will file the disqualification and election offense against a Pasig bet for violating the anti-discrimination policy. The public may expect other cases to be filed after the Holy Week,” pahayag ni Garcia sa panayam sa Super Radyo dzBB.
Motu proprio o kusa itong inihain ng Comelec, kahit walang sinumang naghain ng reklamo mula sa labas. Layunin ng petisyon na ipatupad ang Comelec Resolution No. 11116, na nagbabawal sa diskriminasyon laban sa mga sektor gaya ng kababaihan.
More Stories
ANG PHARMALLY QUEEN AT ANG KATAHIMIKAN NG COMELEC
ICC, inutusan ang prosekusyon na isumite ang ebidensya laban kay Duterte bago ang Hulyo 1
MAHIGIT P1 TAAS-PRESYO NG PETROLYO SA SUSUNOD NA LINGGO ASAHAN NA