January 27, 2025

Dismissed na police kalaboso sa pangongotong

Arestado ang isang dismissed na pulis na nangongotong ng pera sa mga delivery truck ng isda sa isinagawang entrapment operation sa loob ng Navotas Fish Port Complex (NFPC) sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Nakasuot pa ng police field service uniform (FEU) si Don De Quiroz Osias II, 39 ng 63 Rodriguez Subdivision, Dampalit, Malabon city nang arestuhin ng mga tauhan ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) head P/Maj. Rommel Sobrido dakong 8:30 ng gabi sa Bañera St., NFPC matapos tanggapin ang P100 marked money mula kay Pat. Patrick Quinto na umaktong truck helper.

Gayunman, tinangka umano ng suspek maglabas ng kung anu mula sa kanyang baywang kaya’t napilitan ang mga operatiba na putukan siya sa hita bago isinugod sa Tondo Medical Center kung saan ito binabantayan ng mga tauhan ng Maritime police habang ginagamot.

Narekober ng mga operatiba sa suspek ang P100 marked money, P470.00 at motorsiklo na gamit niya sa kanyang illegal activity.

Bago ang pagkakaaresto sa suspek, nakatanggap ng maraming reklamo si P/Col. Ricardo Villanueva, hepe ng Regional Maritime Unit-NCR mula sa mga delivery truck drivers ng isda na isang alyas “Don” na nagpapakilalang miyembro ng Maritime police ang humihingi sa kanila ng pera dahilan upang isagawa ng mga tauhan ng MARPSTA ang entrapment operation kontra sa suspek.

Positibong kinilala ng mga truck drivers na sina Bryan Alcantara, 36, Gilbert Delia, 48, Cyril John Diaz, 36 at Bonifacio Salinay, 47, si De Quiroz Osias na nanghihingi sa kanila ng pera tuwing dadaan sila sa Bañera St., NFPC, NBBS Proper. Nakatanggap din si Malabon police chief P/Col. Angela Rejano ng impormasyon na ang suspek ay napaulat na nag-AWOl dalawang taon na ang nakalipas matapos pumasok sa serbisyo noong 2008 at pinaghahanap ng pulisya dahil sa kanyang extortion activities sa Malabon City.