December 25, 2024

DISCOUNTS IPAPALIT SA ‘LIBRENG SAKAY’ SA EDSA BUS CAROUSEL – LTFRB

Maaaring magbigay na lamang ng discount sa EDSA Bus Carousel sa halip na magbigay ng Libreng Sakay dahil sa limitadong budget.

Ito ang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes, Enero 27 sa isang press briefing.

Ayon kay LTFRB chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, layon nito na mapahaba pa ang P1.2 bilyon na budget para sa naturang programa.

“Malamang ang gagawin dito is we will just be giving discount,” tugon ni Guadiz nang tanungin kung magbabalik na ba ang Libreng Sakay Program sa EDSA Carousel.

Aniya, hindi lamang bus ang sasakupin ng planong discount kundi maging ang iba pang modes of transportation tulad ng jeepney.

Naghihintay pa ang LTFRB sa kautusan mula sa Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng pagpapatupad ng programa.

Sa televised public briefing, sinabi ni LTFRB technical division head Joel Bolano na naghihintay na lamang ang ahensya na madownload ang budget sa kanila.

“Hinihintay na lang natin na ma-download sa LTFRB yung budget na P1.2 billion para sa ngayong taon,” sinabi pa ni Bolano.

Samantala, sinabi ni Bolano na nasa P3 bilyong budget ang inilaan para sa fuel subsidies para sa mga public utility vehicles (PUVs).

Matatandaan nagtapos na ang Libreng Sakay Program sa EDSA Bus Carousel noong Disyembre 31, 2022.