January 23, 2025

DILG, MMDA, MANILA LGU SAMA-SAMA SA CLEAN-UP DRIVE SA TONDO

Nagsagawa ang Department of Interior and Local Government, Manila LGU at iba pang ahensiya ng gobyerno ng cleanup driver sa Tondo, Maynila, nitogn Sabado ng umaga.

Ang naturang programa ay bahagi ng “KALINISAN: Kalinga at Inisyatiba Para sa Malinis na Byan sa Bagong Pilipinas” initiative ng DILG upang isulong ang wastong pagtatapon at paghihiwalay ng basura sa buong bansa.

“It’s a matter of attitude. Kasi may sistema naman tayong lahat, e. Pagdating ng [trak] ng basura, pini-pick up ito. Pero ang importante, magtapon ka sa tamang oras. Sumunod ka sa programa ng barangay,” ayon kay Local Government Secretary Benhur Abalos.

Samantala, dinala naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang Mobile Material Recovery Facility na nag-aalok ng goods at food supplies sa komunidad kapalit ng nakolektang recyclable waste sa pamamagitan ng point system.

“Kinukuha namin ‘yong mga recycling firms… ‘Yong mga tao ay para meron silang notebook. Isu-surrender nila ‘yong basura nila, miski ito’y plastik o lumang TV. Tinitimbang ‘yan e. Base sa points mamimili ka… corned beef, bigas, sardinas. Iba’t-ibang mga produkto,” paliwanag ng MMDA.

“Malaking tulong po ito dito sa amin sa Tondo po. Ako po, nag-ipon po ako nito para may baon po ang mga anak ko. Lata, plastic, kahit ano. Sa oras ng pasukan ng anak ko, pinatitimbang ko. Baon nila,” ayon sa residente na si Marlyn Basa na nakakolekta ng mahigit sa tatlong kilo ng plastic waste.

Samantala, hinimok ng Manila LGU ang constituents na sundin ang city ordinance kaugnay sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura upang maiwasan ang pagbaha dulot ng baradong kanal.

 “Malaki po ang problema natin sa basura bagamat araw-araw ay naghahakot naman po tayo ng basura… Hindi pa ho gano’n masyadong naghihiwalay ang nabubulok at ‘di nabubulok. Kaya nga hinihikayat natin ang ating mga kababayan lalo na dito sa lungsod ng Maynila,” ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna.