
Mariing pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ang editoryal ng Philippine Daily Inquirer na nagsasabing lumalala ang kriminalidad sa bansa.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Maria Liavel Crisostomo, hindi kinikilala ng kagawaran ang mga “short-cut” at nakabatay sa takot na hakbang tulad ng mga extrajudicial killings na nangyari sa nakaraan. Sa halip, tinutukan umano ng ahensya ang pagbubuo ng isang propesyonal, responsable, at makataong pulisya.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at sa pamumuno ni Secretary Jonvic Remulla, pinapalakas natin ang disiplina sa hanay ng kapulisan at itinataguyod ang kulturang nakatuon sa serbisyo,” pahayag ni Crisostomo.
Ito ay bilang tugon sa editoryal ng Inquirer noong Mayo 30 na pinamagatang “Deteriorating crime situation,” kung saan binanggit ang serye ng krimen, kabilang na ang mga insidenteng sangkot ang dayuhan, at kinuwestiyon ang pahayag ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na ang usapin sa tumataas na krimen ay gawa-gawang “propaganda ng trolls.”
Ipinunto rin ni Crisostomo na pinalalakas ng DILG at PNP ang police visibility hindi para sa “optics,” kundi upang epektibong makapigil sa krimen at maibalik ang tiwala ng publiko.
“Simula nang ipatupad ito noong Lunes, may mga konkretong resulta na sa mga operasyon at higit sa lahat, nakikita na natin ang pagbalik ng tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa kani-kanilang komunidad,” aniya.
Inanunsyo rin ni Crisostomo na magsisimula na ngayong Agosto ang Unified 911 Emergency Response Program na may geolocation at live-streaming features upang mapabilis ang aksyon ng mga awtoridad sa mga krimen at emerhensiya.
Dagdag pa niya, ang ilang kaso ng kidnapping na binanggit sa editoryal ay may kinalaman sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na ipinag-utos nang ipatigil ni Pangulong Marcos upang wakasan ang mga banta sa seguridad ng publiko.
“Hindi kami nagpapatakbo ng operasyon batay sa ingay o takot. Nakaangkla kami sa mga datos, reporma, at tuloy-tuloy na serbisyo. Ang pagbabagong ito ay hindi pakitang-tao — ito ay sinadya, gumagana, at tatagal,” diin ni Crisostomo.
“Ang layunin namin ay isang sistema ng hustisya na may tiwala ang taumbayan — hindi ang katakutan.”
Samantala, sa hiwalay na pahayag, iginiit ng PNP na kinikilala nila ang papel ng media sa pananagutan, ngunit dapat ding isaalang-alang ang kabuuang larawan ng kanilang ginagawa.
“Tuloy-tuloy ang mga operasyon kontra kriminalidad, iligal na droga, at iba pang banta sa kapayapaan. Ginagawa namin ito sa ilalim ng batas at may paggalang sa karapatang pantao,” pahayag ng PNP.
More Stories
KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI
39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Tulak, tiklo sa Malabon drug bust