December 24, 2024

DIGONG HUGAS-KAMAY SA POLVORON VIDEO

MARIING pinabulaanan ni former President Rodrigo Duterte ang mga paratang sa kanyang kampo na di umano’y nasa likod ng kumalat na video ng lalaking kahawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang sumisinghot ng droga.

Ayon kay Duterte, walang kinalaman ang Hakbang ng Maisug sa tinaguriang “polvoron video” na mabilis nagviral matapos ilabas sa social media ilang oras bago sumalang ang Pangulo para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).

“The Hakbang ng Maisug national leadership has nothing to do with the release of the video footage showing President Ferdinand Marcos Jr. in the act of snorting cocaine in Maisug gatherings in Canada and the USA,” pahayag ni Duterte.

Ani Duterte, desisyon ng Maisug “volunteers” ang video na kumalat sa social media.

Wala rin aniyang koordinasyon sa liderato ng Hakbang ng Maisug ang programa ng mga kaalyadong pwersa na nasa ibang bansa – partikular sa Maisug Convention na idinaos sa Los Angeles, California noong Hulyo 22.

“The members of the Maisug leadership were just as surprised as the rest of the country when they saw the video for the first time,” dugtong ng dating Pangulo.

Bago pa man naglabas ng pahayg si Duterte, una nang kinondena ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., ang aniya’y pekeng viral video, kasabay ng giit para sa isang mas malalim na imbestigasyon sa hangaring tukuyin ang promotor sa likod ng tinawag niyang destabilization plot laban sa administrasyong Marcos.