March 9, 2025

DIGONG HANDA NA SA ARESTO NG ICC

Handa nang magpahuli si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ilabas ng International Criminal Court ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs.

Sa harap ng Filipino community sa Hong Kong, sinabi ni Duterte na ang giyera kontra droga ay para protektahan ang buhay ng mga Pinoy at tatanggapin niya kung anuman ang magiging kapalaran niya sakaling ilabas ng ICC ang arrest warrant laban sa kanya.

Nahaharap sa imbestigasyon ng ICC si Duterte hinggil sa umano’y crimes against humanity kagunay sa kanyang giyera kontra droga.

 “Ang balita ko may warrant daw ako…’Yung sa ICC or something. Matagal na ako hinahabol ng mga putang ina,” pahayag ng dating Pangulo.

“Tutal ganito na lang swerte ko sa buhay. Okay lang tatanggapin ko ‘yan. Eh wala tayong magawa eh. Hulihin tayo o ikulong tayo,” dagdag niya.

Gayunpaman, naniniwala ang dating Pangulo na wala siyang maling ginawa nang isagawa niya ang giyera sa kalakaran ng illegal na droga. Aniya, nais lang naman niya na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan, partikular na protektahan ang mga pamilyang Filipino mula sa banta ng illegal na droga.

“Ano man ang kasalanan ko? Na ginawa ko man sa panahon ko para may konting katahimikan at mapayapa ang buhay ng Filipino,” saad niya.

“Assuming na totoo. Totoo talaga ang naririnig ninyo bakit ko ginawa yan. Para sa sarili ko? Para sa pamilya ko? Para sa inyo at inyong mga anak sa ating bayan,” dagdag niya.

Nagbiro rin si Duterte sa harap ng maraming Filipino na mag-ambagan para ipagpatayo ng kanyang monumento katabi ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Habang ang reboulto ni Rizal ay may hawak na libro, kay Duterte naman daw ay may hawak na baril.