November 23, 2024

DICT SISILIPIN SMART, GLOBE SA PALPAK NA SIM REGISTRATION

SA kabila ng umiiral na batas na naglalayong tuldukan ang text scams, patuloy ang malawakang operasyon ng mga sindikato sa likod ng panloloko gamit ang subscriber module identification (SIM) cards na karaniwang gamit sa modus – na lubhang ikinabahala ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa isang direktiba, inatasan ni DICT Secretary Ivan Uy ang mga telecommunications company – kabilang ang Globe Smart at Dito Telecommunity, na sumailalim sa pagsusuri ng departamento sa hangaring alamin ang antas ng pagtalima ng mga nasabing kumpanya sa Republic Act 1193 na mas kilala sa tawag na SIM Registration Act.

“Secretary Ivan Uy already issued a department order creating the auditing committee na nakapaloob sa batas, io-audit natin iyong mga technical compliance at saka pag-implement ng SIM Registration Act po natin,” wika ni DICT Assistant Secretary Renato Paraiso sa ginanap na Bagong Pilipinas public briefing.

Ani paraiso, kabilang rin sa bubusisiin ng kagawaran ang multiple registration ng isang indibidwal.

Paliwanag ng DICT official, “red flag” ang pagrerehistro ng 10 hanggang 20 SIM cards sa ilalim ng isang pangalan. Aniya pa, trabaho ng mga telecommunication company na alamin kung ginagamit sa tama ang mga nakarehistrong SIM cards.

Ayon pa kay Paraiso, hindi na cellphone ang puntirya ng mga magnanakaw kundi ang SIM cards na pwedeng gamitin na panloloko.