March 29, 2025

‘Di yung nagnanakaw lang ng mangga… DAPAT MAY MAKULONG NAMAN NA KURAKOT – PING LACSON

BINIGYANG-DIIN ni dating Sen, Panfilo Lacson ang kahalagahan ng pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno at tiyakin na sila ay maparurusahan nang naaayon.

“Don’t take this literally, rhetorically speaking dapat may mga gumulong ng ulo, kasi alam mo itong highway na dinaanan mo, noong nagkakampanya ako noong 2016, ‘yan din ang reklamo,” saad ni Lacson nang tanungin sa press conference nitong Biyernes kaugnay sa kondisyon ng highway mula Maynila patungo sa Bicol region.

 “Matatapos ‘yong repair ng isang segment, ire-repair na naman ‘yong kabilang segment at habang nire-repair itong dating ni-repair, dadaanan ‘yong kabila, paikot-ikot d’yan, walang nakukulong,” dagdag niya.

“Maliwanag naman na talagang may pagkukulang. It’s about time na merong mga tao na responsable, mga accountable na makulong naman, for a change. Kasi ang mga nakukulong ‘yong mga nagnanakaw ng mangga ng kapitbahay pero ‘yong bilyon-bilyon ‘yong binubulsa dahil sa mga maling implementasyon ng proyekto, nakatawa ‘di ba? Nakatawa papuntang bangko every time na magkukubra ng kanilang mga komisyon, ng kanilang kinita,” saad niya. “So, I think it’s about time na may mga ulo na gumulong. And again, I’d like to emphasize, hindi po literal ‘yon,” giit niya.

Si Lacson ay kabilang sa senatorial candidate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na suportado ng administrasyon.