November 3, 2024

‘Di rapid test! Serelogy anti-body lab testing mas episyente – Isko

Kuha ni NORMAN ARAGA

“HINDI po rapid test ang ginagawa natin.  Ito ay ‘serology anti-body lab testing’ na mas episyente.”

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang mga blood samples na kinukuha mula sa mga magpapasuri para sa libreng COVID testing ay isinasailalim sa serological tests, na ayon sa mismo niyang pagsasaliksik, ay nanganguhulugan ng blood tests kung saan hinahanap ang antibodies sa dugo at gayundin ang iba pang sakit.

Bagama’t may iba pang laboratory techniques, sinabi ni Moreno na ang gamit ng siyudad ang siyang pinakamataas na kategorya ng laboratory testing, gamit ang CLIA o clinical laboratory improvement amendments.

“Why are we using this? It is because this is more sensitive and specific than rapid test. Mabisa rin ang rapid test kaya lamang, may natagpuan tayong mas mabisa. We also must continue the WHO or DOH protocol gold standard of testing, no question about that,” saad ni Moreno.

Ipinaliwanag din ni Moreno na tulad din ng swab test kung saan ang sample ay kinukuha sa ilong at bibig na ilagagay sa isang machine para ma-test. Sa kaso ng swabbing, ang makina na ginagamit ay reverse time-polymerase chain reaction (RT-PCR), habang ang drive-thru at walk-in centers naman ay gumagamit ng ‘Architect i1000 SR’ machines na binili ng pamahalaang lungsod sa Abbott Laboratories na ayon kay Moreno ay isang kilala at matatag na multinational company pagdating sa larangan ng paggawa ng medical lab machines.

Iginiit din niya na ang makinang gamit ay high-end na may 99.6 percent specificity at 100 percent sensitivity, at ginagamit din ito sa kilala at mamahaling private hospital at kaya rin nitong matuklasan ang anumang impeksyon sa katawan gayundin ang nakaraang impeksyon. Maiiwasan din ng nasabing makina ang ‘false positive’ at ‘false negative’ na kadalasang resulta ng ginagamit na rapid test kits.

“Dahil padelikado nang padelikado ang sitwasyon, dapat pa-improve din nang pa-improve at mas efficient ang approach,” ayon pa kay Moreno.

Dagdag pa niya na ang mga makinang binili ng lokal na pamahalaan para sa mga city-run hospital ay magagamit pa rin sakaling matapos ang pandemya, dahil puwede itong magamit para sa iba pang nakamamatay na sakit gaya ng human immune virus o HIV, hepatitis, thyroid, cardiac at cancer markers, at iba pa.

’Yung ginagamit para sa mayayaman, pareho na ngayon ng ginagamit para sa mahihirap.  Ito ‘yung tinatawag na ‘value for money’ kaya hindi ako mahihiya manghingi sa mga nakikita kong may kakayanan para itulong sa mamamayan,” saad ng alkalde.

Binuksan nitong kamakailan lang ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang drive-thru COVID testing center sa harap ng Bonifacio Shrine malapit sa City Hall at kahabaan ng Independence Road sa harap ng Quirino Grandstand na kayang sumuri ng 200 at 700 bawat isa.

Sinundan ito pagbubukas ng dalawa pang walk-in center sa Ospital ng Sampaloc at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center na kung saan ang bawat isa ay kayang sumuri ng 100 indibidwal.Ang mga testing center ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.