December 22, 2024

‘DI NATATAKOT SA KARMA ANG MGA NAGPAPANGGAP NA PWD

Maraming resto owners ang napapakamot na lamang ng ulo dahil sa nga nagpapanggap na person with disabilities (PWDs) upang makakuha ng prebilehiyo.

Bagay na dapat matuldukan dahil ito ay illegal at unethical practice.

Sa ilalim kasi ng Republic Act. No. 10754 mga ka-Berdugo, entitled ang PWDs sa 12% value-added tax (VAT) exemption at 20% diskwento sa certain goods at services, kabilang na nga ang pagbili sa mga resto.

Ayon sa mga miyembro ng Restaurant Owners of the Philippines (Resto PH) nagsimula nilang mapansin ang pagdami ng bilang ng gumagamit ng pekeng PWD identification cards noong 2019 at early 2020 – kasagsagan ng pandemic – bagama’t matagal nang umiiral ang ganitong problena.

Naging malala pa ito nang muling buksan ang ekonomiya at pinayagan ang mga Noypi na kumain sa labas.

Sampol na lang ang naranasan ni Jorge “Oye” Fores,” co-founder ng Mamou restaurant, na 17 taon na ang negosyo at mayroon nang siyam na branch.

Kuwento niya,  may isang pamilya na nagtungo sa kanilang resto para kumain. Ang masaklap lahat sila naglabas ng PWD cards, maging ang yaya ng mga ito. Aysus! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan.

Nagkaroon din daw siya ng 23 customer na magkakasama, 19 sa kanila ay naglabas ng cards – nasa apat o lima daw ang senior citizens… at lahat ay puro PWD na. Hanep talaga!.

Base sa datos ng National Council on Disability Affairs, tinatayang 1.89 milyon ang kabuuan ng reshistradong PWDs as of Wednesday, Disyembre 4. Ang populasyon sa Pilipinas ay 109 milyon noong 2020 at inaasahang lolobo sa 113 hanggang 114 milyon sa 2025.

Sa Senate ways and means committee hearing noong Huwebes, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, chairperson ng panel, aabot sa 8.5 milyon ang “illegitimate” PWDs sa bansa o ‘yung mga nagpapanggap na mga PWD.

Aba, limang beses ang bilang sa lehitimong PWDs. Nalintikan na!

Sa totoo lang, ang aking yumaong ama ay isang PWD. Pero sa kabila ng kanyang kapansanan ay nagsumikap siya para mabuhay ang kanyang pamilya at marunong lumaban ng patas sa buhay.

Hindi katulad ng mga lintek na nagpapanggap na mga PWD na ito, masaya sila na makapanggulang sa kapwa. Tandaan ninyo mabilis lang ang karma. Tubuan sana kayo ng pigsa sa puwet. Mga boset!