June 8, 2025

‘DI LANG TRAFFICKER, NANGSAGASA PA! INDIAN NATIONAL TIMBOG SA QC

QUEZON CITY — Sa halip na sumuko sa mga pulis, inapakan pa ang silinyador! Isang 21-anyos na Indian national ang dinakip matapos umanong tangkain sagasaan ang dalawang pulis na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa kasong Qualified Trafficking in Persons nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Singh”, binata, at nakatira sa Silang St., NCE 1, Brgy. Batasan Hills, QC.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong alas-3:44 ng hapon nang masakote si Singh malapit sa isang coffee shop sa Congressional Avenue, Brgy. Project 8.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Erwin Jay Mendez, magsisilbi sana ng arrest warrant ang mga operatiba ng QCPD Station 16-Pasong Putik, kasama ang CID at Intelligence Group, para sa kasong Qualified Trafficking in Persons na inisyu pa noong Agosto 1, 2021 ng RTC Branch 116 sa Bacoor, Cavite.

Pero sa halip na sumama, pinaharurot umano ni Singh ang minamanehong pulang Ford Territory! Nang harangin ng mga pulis, tuluyang inararo pa umano ang direksyon ng mga operatiba.

Buti na lang at nakailag sina PSSg Norman Borromeo at Pat Jacky Manzano, bago sinimulan ang habulan hanggang sa tuluyang makorner si Singh sa Congressional Avenue.

Bukod sa orihinal na kaso ng human trafficking, haharap pa ngayon si Singh sa panibagong kaso ng Attempted Homicide at Disobedience to a Person in Authority.

“Hindi na nga sumipot sa korte, halos sagasaan pa kami!” ani ng isa sa mga operatiba.