June 7, 2025

DHSUD Secretary, Nangakong Aaksyon Agad sa Rekomendasyon ng Developers’ group

Nangako si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na agad na kikilos ang ahensya upang isakatuparan ang mga rekomendasyong isinumite ng mga pangunahing grupo ng mga property developer sa bansa, na layong palakasin ang pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program at pabilisin ang produksiyon ng pabahay.

Sa isang joint letter na ipinadala kina Aliling, ipinarating ng Chamber of Real Estate and Builders’ Associations (CREBA), National Real Estate Association (NREA), Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines (OSHDP), at Subdivision and Housing Developers Association (SHDA) ang kanilang mga mungkahi para sa pagpapaunlad ng housing initiatives ng pamahalaan.

Ang liham ay bilang tugon sa panawagan ni Aliling sa mga stakeholder na magbahagi ng mga ideya kung paano mas mapapahusay ang implementasyon ng 4PH Program.

“We collectively reiterate our support to DHSUD in the achievement of our common goals and objectives for the success of the National Shelter Program,” ayon sa nilalaman ng liham na nilagdaan ng mga opisyal mula sa bawat organisasyon.

Kabilang sa mga pangunahing rekomendasyon ng mga grupo ang:

  • Paglalabas ng malinaw na guidelines para sa inclusion ng horizontal housing projects sa 4PH Program;
  • Pagpapaikli sa proseso ng permit at lisensya;
  • Pagrerepaso sa presyo ng socialized housing units upang tumugma sa kasalukuyang kondisyon ng merkado.

Ayon sa kalihim, buong suporta ang DHSUD sa mga suhestyon at agad itong isasailalim sa pag-aaral at implementasyon.

“Let me assure our private partners that DHSUD will act swiftly on your recommendations in furtherance of our common goal to provide livable, affordable and sustainable communities,” pahayag ni Aliling.

Binigyang-diin din ng kalihim na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tututukan ng 4PH Program ang pagbibigay ng disenteng pabahay para sa mga Pilipinong nasa mababang antas ng kita, lalo na ang pinakamahihirap.

“DHSUD’s doors are wide open for your recommendations to further improve the flagship housing program, and to cover more beneficiaries,” dagdag ni Aliling.

Ang naturang inisyatiba ay inaasahang lalong magpapatatag sa ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor sa ilalim ng National Shelter Program, na layong makapagpatayo ng higit 1 milyong bahay kada taon para sa mga Pilipinong walang sariling tirahan.

Nananatiling bukas ang DHSUD sa mga karagdagang rekomendasyon mula sa iba pang sektor upang matiyak na inclusive at responsive ang mga hakbangin para sa pabahay.

Sa ilalim ng pamumuno ni Aliling, target ng ahensya na palawakin ang saklaw ng 4PH Program at masigurong mas maraming Pilipino ang makikinabang sa pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.