January 24, 2025

DESPERADONG OPOSISYON

SAAN kumukuha ng tapang ng apog ang mga namimihasa nang kritiko ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Kahit ano na lang na isyu ay bubutasan ng mga kontrabidang  ilan sa kanila ay atat na maagaw ang trono sa anumang sirkumstansiya tulad ng succession. Ito ay iyong hangarin ang Pangulo na madedbol dahil sa karamdaman o maging inutil at ‘di na kayang tumupad ng tungkulin.

Mamumuti lang ang kanilang mata at buhok ay baka sila pa ang mauna  kay PDigong dahil mahabang panahon pa ang kanyang ilalagi sa mundo upang tumupad ng misyon para sa sambayanang Pilipino.

Suntok naman sa buwan ang nais nilang ikasang people’s initiative dahil kahit na magsanib – puwersa pa ang mga dilawan, pulahan, oligarko, kaparian, biased mainstream media at pakialamerong dayuhang puwersa ay di na muling lalabas sa kalsada ang mga tao upang ibagsak ang gobyernong  ginagawa ang makakaya para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Noon kasi ay nagawa nilang linlangin ang mga tao dahil sa malakas na impluwensiya ng tri-media na pinag-alab  ang damdamin ng mga tao  kahit lihis sa katotohanan at matagumpay na naitimo  nila ang kasamaan ng binansagan  strongman.

Ngayon ay di na nila mapaikot ang ulo ng mayorya ng Pilipino dahil sa social media.

Nagtagumpay sila noon di lang isa kundi dalawang EDSA pero ang  mga umangat lang ang buhay ay iyong mga konyo, mga naluklok sa puwestong walang hirap na dinanas kundi tumaya lang at sumugal ng malaking pera para ibagsak ang anila ay madilim na rehimen at nagkanya- kanya sila  nang  samsam sa  pakinabang at na- EDSA ‘puwera ang mga tunay na nakibaka sa kalsada  na kalaunan ay nagsisi sa kanilang  maling krusada.

Iyong mga bilad sa araw, basa ng water canons  at mga nahahampas ng  batuta ay balik sa buhay dalita  habang nagsibundatan ang mga nasa likuran ng aksiyon kaya nang matikman  ng mga tuso ang pagpapasasa ay namihasa sila  kaya lamon dito lantak doon ang kanilang ginawa hanggang halos ay masaid ang kaban ng bayan.

Pinanatili nilang dukha ang mga maralitang nagmartsa sa EDSA dahil kailangang lagi silang patay-gutom para pagdating ng halalan ay bubusugin nila kapalit ng boto kaya tuloy ang ligaya nila. Natapos sng kanilang kaswapangan.

‘Di na umubra ang kanilang makinarya ng bokilya, propaganda at kasinungalian sa tao. ‘Di na nila mahatak sa kalye ang mga ginamit nilang maralita upung pumutak ng ‘ibagsak’ ang kinamumuhian ng mga iilang  kontra- Duterte pero ang ingay dahil sa kasapakat na biased media.

Ngayon ay desperado na sila.Lahat na ng kabulastugan ay ikakasa nila pero anumang taktika ang gawin  ay di na sila.titikim ng ligaya sa trono ng kapangyarihan.

Patuloy ang ngawngaw nila pero tengang – kawali lang si PRRD na ang asikaso ay ang pag-angat ng kabuhayan ng Sambayanan bagamat may isa pang balakid na pandemya ay   fight, fight, fight -work , work , work -build , build  , build lang ang Pangulo hanggang sa katapusan ng kanyang termino  na legasiya ng kanyang administrasyong walang sawang pinupukol ng mga buhong.

Kahit na gaano kalalim ang balon ng oposisyon ay upos na kandila lang ang  kahihinatnan ng tulad nilang salot at pahirap sa bayan…ABANGAN!!