November 23, 2024

Deployment ng OFW ‘di pa makakarekober hanggang 2022

Inaasahan na mahihirapan pang makabawi ang deployment o pagpapaalis ng mga OFW sa loob ng susunod na dalawang taon mula 2021-2022 habang ang mundo ay may kinakaharap na  COVID-19 pandemic at hirap pang bawiin ang dating malagong ekonomiya ng Middle East at Europe para sa mga susunod na taon.

Noong 2020 ay 500,000 mga OFW ang nawalan ng trabaho kung saan 380,000 dito ay pinauwi ng bansa at inaasahang 100,000 iba pa ay darating ngayong 2021. Habang ang nalalabing 80,000-100,000 na nawalan ng trabaho ay nagpasyang manatili na lamang sa site ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Umaasa ang 80-100,000 OFW na nanatili sa abroad na muling makakabangon ang ekonomiya ng nabanggit na mga bansa sa kalagitnaan ng 2021 kapag tuluyan nang mapamahagi ang bakuna at bumalik na sa normal ang lahat gaya ng pagbubukas ng maraming negosyo at industriya.

Samantala, patuloy na dumidiskarte sa buhay ang 400,000 OFW at karamihan sa kanila ay nagbukas ng kanilang sariling negisyo sa tulong ng mga programa ng pamahalaan.

Halos bumagsak na rin ang overseas recruitment industry na isang multi-billion industry na may 800 land-based agencies at halos 300 sea-based manning agencies, habang hindi bababa sa 100 agencies ang patuloy na tumatakbo ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia.

Iilan na lamang na mga bansa ang nanatiling bukas para sa mga OFW gaya ng Hong Kong, Taiwan, Japan, Great Britain at Germany na kinakailangan ng healthcare workers.

Habang sarado naman para sa mga OFW natin ang mga bagong destinasyon gaya ng Poland, Czeckolavakia, Serbia dahil sa pagkalat ng bagong bersiyon ng  COVID-19 sa maraming bansa sa Europe at USA.

Base sa insiyal na datos na iprinesinta sa Senate budget hearing, sinabi ng POEA na ang bilang na nai-deploy noong 2020 ay 1,394,788 lamang, na kinokonsidera na mas mababa kung ikukumpara sa 2 milyon para sa buong 2019.

Sa nasabing napaalis na OFW nitong 2020, 1,101,040 ay mga land-based at 293,748 ang sea-based.

Ayon kay Geslano, na karamihan sa pinaka-apektado ay ang mga household service workers (HSW).

Aniya, hangga’t hindi pa tuluyang nakakarekober sa pandemya ang mga bansa sa Middle East at patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis ay mananatiling sarado ang ME nations gawa ng mataas na bilang ng mga kaso ng COVID at hirap makabangon ang ekonomiya.

Saad pa niya, ang mababang deployment sa Middle East ay inaasahang magtuloy-tuloy hanggang sa susunod na taon hangga’t ang top destination para sa OFW sa rehiyon ay nanatiling sarado para sa mga dayuhan maliban sa Qatar, Oman at United Arab Emirate na limitado lamang ang job orders.

Nasa 100,000 seaman ang pinauwi ng cruise ships industry at marami sa mga ito ay OFW’s na naghihintay pa rin para sa United States major cruise lines na muling makapag-operate sa unang quarter ng 2021.

Habang sa Europe ay iilan lamang na cruise operators ang nagsimulang paandarin ang kanilang mga barko kung saan hindi bababa sa 5,000 OFWs ay muling pinatawag at limitado lamang ang passenger bookings, na may mahigpit na health at safety protocols.