March 7, 2025

DEPED TINANGGAL 55 PRIVATE SCHOOL SA SHS VOUCHER PROGRAM


TINANGGAL ng Department of Education (DepEd) ang 55 private schools mula sa kanilang Senior High School (SHS) Voucher Program dahil sa iba’t ibang dahilan.

Ayon kay DepEd Project Manager III Tara Rama, sa ginanap na House Committee on Basic Education and Culture hearing, tinanggal ang 55 private schools sa programa simula Pebrero 2021 dahil sa hindi pagkakatugma ng kanilang billing information at learners information system (LIS).

“We started terminating, we had 22 schools for SY 2021-2022. In February 2023, we terminated another 32 schools for SY 2022-2023… For 2023-2024, we already have one terminated and under investigation po ang another 12,” ayon kay Rama.

Natuklasan ang isyu ng ghost students matapos mapansin ang mga hindi tugmang datos sa voucher program. Dahil dito, hindi inilabas ng DepEd ang ₱200 milyong halaga ng vouchers.

“We cannot say na ghost students po yon, kasi it might be na pumasok po sila sa private school sa first few months and then afterwards umalis po sila bumalik sila sa public school dahil nagkaproblema. We cannot say for sure na ito po talaga ay ghost students lahat,” paliwanag ni Rama.

Inilunsad noong 2015, ang SHS voucher program ay naglalayong gawing mas accessible ang senior high school education sa mga mag-aaral mula sa mga low-income families at bawasan ang siksikan sa pampublikong paaralan.

Nagkakahalaga ang mga voucher mula ₱14,000 hanggang ₱22,500, depende sa lokasyon ng estudyante, upang matulungan silang makapasok sa mga pribadong paaralan.

Tinanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kung ilang ghost o non-existent students ang naitala sa programa.

Sagot ni Rama, ang bilang ng mga benepisyaryo kada paaralan ay nasa daan hanggang isang libo, habang ang bilang ng mga guro ay nasa 30 kada paaralan.

Dahil sa isyung ito, nangangalap ng ebidensya ang DepEd upang kumpirmahin kung may naganap na pandaraya at pinag-aaralan ang mga legal na hakbang laban sa mga sangkot na paaralan.

“We are preparing to terminate the accreditation of guilty institutions,” ayon kay Rama.

Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng DepEd upang panatilihin ang integridad ng SHS voucher program at matiyak na tanging karapat-dapat na estudyante ang makikinabang dito.

Patuloy ang imbestigasyon sa 12 pribadong paaralan na umano’y sangkot sa ghost student scheme.

Tiniyak ng DepEd na magsasagawa ito ng kaukulang aksyon upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong insidente at mapanatili ang kredibilidad ng SHS voucher program.