June 12, 2025

DepEd Personnel, Tatanggap ng ₱7K Medical Allowance Taun-taon

Larawan mula sa DepEd

Magsisimula nang tumanggap ng taunang medical allowance ang mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) bilang bahagi ng pinalawak na healthcare support ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mga empleyado ng gobyerno.

Ang bagong benepisyo ay alinsunod sa Executive Order No. 64, s. 2024 at Department of Budget and Management (DBM) Circular No. 2024-6, na layong pagaanin ang gastusin sa pagpapagamot, palawakin ang akses sa serbisyong medikal, at pataasin ang moral at produktibidad ng mga kawani ng DepEd, lalo na sa mga low-income, liblib, at high-risk na lugar.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, “Gusto ng Pangulo na manatiling malusog ang ating mga guro at kawani nang hindi iniintindi ang gastusin sa pagpapagamot. Isa ito sa mga paraan para kilalanin ang kanilang dedikasyon at tiyaking hindi nila kailangang mamili sa pagitan ng kalusugan at bayarin.”

Batay sa DepEd Order No. 16, s. 2025 na may titulong “Guidelines on the Grant of Medical Allowance to the Department of Education Personnel,” maaaring pumili ang kwalipikadong kawani sa tatlong mode ng pag-avail:

  • Pagpapasok sa group HMO package na ipoproseso ng DepEd,
  • Pag-avail ng sariling HMO-type na produkto (bagong enrollment o renewal), o
  • Diretsong cash payment sa pamamagitan ng payroll, lalo na para sa mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) o sa mga lugar na walang HMO access.

Ang allowance ay nagkakahalaga ng ₱7,000 at ibibigay kahit ano pa man ang halaga ng HMO na kukunin ng empleyado. Para sa mga kukuha ng individual HMO, ang allowance ay ire-release kahit hindi pa naisusumite ang resibo o supporting documents. Subalit, ang hindi pagsusumite ng dokumento sa itinakdang panahon ay maaaring magresulta sa paghinto ng allowance para sa susunod na taon hangga’t hindi ito natutugunan.

Sakop ng programang ito ang permanent, co-terminus, fixed-term, casual, at contractual personnel na may hindi bababa sa anim na buwang serbisyo sa loob ng taon. Hindi kabilang sa benepisyo ang mga consultants, job order workers, apprentices, at student laborers na walang employer-employee relationship sa DepEd.

Inaasahan ng DepEd na ang hakbanging ito ay magdudulot ng pagbaba ng absenteeism, pagtaas ng morale ng mga kawani, at pagbuo ng mas matatag at episyenteng puwersa ng guro, lalo na sa mga lugar na kulang sa serbisyo. Dagdag pa rito, ang inisyatiba ay itinuturing na ganap na pagsasabuhay ng mga benepisyong pangkalusugan na itinatakda ng Republic Act No. 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers.