April 19, 2025

DepEd: Pasukan para sa SY 2025–2026 magsisimula sa Hunyo 16

Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na opisyal na magbubukas ang School Year (SY) 2025–2026 sa Hunyo 16, 2025 (Lunes) at magtatapos sa Marso 31, 2026 (Martes), alinsunod sa DepEd Order No. 012, s. 2025 na pirmado ni Education Secretary Sonny Angara.

Ayon sa kautusan, ang darating na taon ng pag-aaral ay magkakaroon ng hindi hihigit sa 197 araw ng klase, kabilang na ang End-of-School-Year (EOSY) rites, maliban na lamang kung magkaroon ng mga hindi inaasahang pangyayari na magdudulot ng pagbabago sa iskedyul.

Layunin ng mga bagong panuntunan na mapabuti ang implementasyon ng mga aktibidad sa paaralan at mapalawak ang oras para sa pagtuturo, alinsunod sa mga layunin ng administrasyong Marcos.

In-person learning pa rin ang pangunahing modality

Binigyang-diin ng DepEd na mananatiling face-to-face classes ang pangunahing paraan ng pagtuturo sa lahat ng paaralan. Gayunpaman, papayagan pa rin ang paggamit ng mga Distance Learning Delivery Modalities (DLDMs) tulad ng Modular, Online, TV- at Radio-Based Instruction, at blended learning, kung sakaling may suspensyon ng klase dulot ng emergency o sakuna.

Maagang pagpaparehistro at enrollment

Hinihikayat ng ahensya ang maagang pagpaparehistro para sa mga batang papasok ng Kindergarten, Grade 1, Grade 7, Grade 11, mga transferee sa pampublikong paaralan, at mga interesado sa Alternative Learning System (ALS). Karaniwang ginagawa ito mula huling Sabado ng Enero hanggang huling Biyernes ng Pebrero, ngunit maaaring palawigin ng Schools Division Office (SDO) kung kinakailangan.

Itinuturing namang “pre-registered” ang mga mag-aaral na papasok sa Grades 2-6, 8-10, at 12. Ang opisyal na enrollment period ay gaganapin isang linggo bago ang pagbubukas ng klase.

Brigada Eskwela at kalusugan ng mga mag-aaral

Ipapatupad rin ang Brigada Eskwela o National Schools Maintenance Week isang linggo bago ang pasukan, kung saan magtutulungan ang mga guro, magulang, at komunidad sa paghahanda ng mga silid-aralan.

Bilang bahagi ng paghahanda, lahat ng mag-aaral ay sasailalim sa mandatory health assessment, na isasagawa ng school health personnel katuwang ang mga class adviser mula Brigada Eskwela hanggang sa loob ng unang tatlong linggo ng klase. Kabilang sa pagsusuri ang pangkalahatang physical exam, screening para sa paningin at pandinig, dental check-up, pagsusuri sa status ng bakuna, at medical history review.

Ang mga panuntunang ito ay ipatutupad simula SY 2025–2026 at sa mga susunod pang taon. Maglalabas pa ang DepEd ng mga karagdagang memorandum na maglalaman ng tiyak na iskedyul ng mga aktibidad sa paaralan.