
PASIG CITY — Muling pinatunayan ng Brigada Eskwela 2025 ang diwa ng bayanihan sa sektor ng edukasyon matapos tumugon ang mga pribadong partner sa panawagan ng Department of Education (DepEd) na tulungan ang mga paaralan sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.
Sa Oranbo Elementary School, masiglang ibinahagi ni Principal Dr. Victor M. Javeña ang pag-asa sa mas magandang kinabukasan ng kanilang paaralan dahil sa tulong ng mga partner na nagsabing magbibigay ng suporta sa pagpipintura ng tatlong gusali, pagpapalit ng mga sirang door knob, at pag-aayos ng ilaw sa mga silid-aralan.
“Malaki ang naitutulong sa ating paaralan ng Brigada Eskwela sapagkat dito lumalabas ang suporta ng iba’t ibang mga partners natin,” ani Javeña. “At hindi lang tuwing Brigada Eskwela — kasama natin sila kahit sa mga ordinaryong araw.”
Ang temang “Sama-sama para sa Bayang Bumabasa” ngayong taon ay nakatuon hindi lamang sa paghahanda ng mga silid-aralan kundi pati sa pagsusulong ng literasiya sa mga batang Pilipino.
Sa Highway Hills Integrated School, ipinaabot din ni Principal Dr. Henry A. Sabidong ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga partner na tumulong hindi lang sa donasyon ng school supplies, kundi maging sa aktwal na pagsasaayos ng mga silid-aralan.
“Higit pa sa kagamitan, ang ibinabahagi natin ay isang maayos na environment at safe na classroom,” wika ni Sabidong. “Ang Brigada Eskwela ay simula lamang — ang pakikipagtulungan ng private sector ay tuloy-tuloy naming nararamdaman.”
Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga stakeholder at volunteer na tumulong sa iba’t ibang aktibidad gaya ng pagbasa at storytelling sessions, clean-up drive, pag-aayos ng upuan at silid-aralan, at health assessments para sa mga mag-aaral.
“Brigada Eskwela is more than just fixing the schools; it is a bayanihan movement,” ani Angara. “Tayo ay nagtitipon hindi lang upang ayusin ang mga pasilidad, kundi upang buuin ang kinabukasan ng bawat batang Pilipino.”
Patuloy ding hinihikayat ng DepEd ang mga partner na magbigay ng kagamitan sa pagkatuto, upuan, health kits, pagkain, at iba pang pangangailangan ng mga guro’t mag-aaral.
Ang Brigada Eskwela 2025 ay patunay na ang tagumpay ng edukasyon ay hindi lang nakasalalay sa paaralan o gobyerno — ito ay kolektibong responsibilidad ng buong sambayanan.
Sa tulong ng bawat isa — magulang, guro, estudyante, LGU, at pribadong sektor — maisusulong ang isang ligtas, handa, at makabuluhang pagbabalik-eskwela para sa lahat.
More Stories
Impeachment Hindi Dapat Ginagawang Opsyonal
Bigas Bagsak Presyo! P20 Kada Kilo Lumalawak na — PSA
UP Law Profs sa Senado: Impeachment ni VP Sara Ituloy