
PASIG CITY, Hunyo 13, 2025 — Sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2025–2026 sa Hunyo 16, abala na ang mga paaralan sa buong bansa sa pagsasaayos ng mga bagong kagamitan sa pagkatuto—mula sa Smart TVs at laptops hanggang sa mga bagong aklat na sumasalamin sa revised K to 10 curriculum.
Ang maagap na paghahatid ng mga kagamitang ito ay bahagi ng pinaigting na Early Procurement Activities (EPA) ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Sonny Angara, bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang “future-ready education system” na inuuna ang inobasyon at inklusibong pagkatuto.
Ayon kay Principal Jocelyn Reyes ng Pagalanggang Elementary School sa Bataan, nakatanggap sila ng limang (5) unit ng Smart TVs. “Napakalaking tulong nito lalo na sa pagbasa ng mga bata. Mas nagiging interaktibo at epektibo ang pagtuturo,” ani Reyes.
Mga Kagamitang Naipamahagi at ipamamahagi pa:
- 33,539 laptops para sa mga guro
- 5,360 laptops para sa non-teaching staff
- Halos 26,000 Smart TV packages na may kasamang external hard drives
- 1,340 laptops para sa 268 paaralan sa NCR (i-aabot sa Hunyo 16–26)
- Higit 2,300 units ng Smart TVs para sa Region VII
- Patuloy ang procurement sa Regions IX at CAR
Ayon sa DepEd, 79% ng pondo para sa FY 2025 Computerization Program ay na-secure na, at tuloy-tuloy ang deliveries mula sa mga nanalong suppliers.
Hindi lang kagamitan ang binibigyang-pansin. Naiproseso na rin ang 99% ng procurement para sa mga aklat sa Grades 1, 4, at 7, habang papalapit na sa kalahati ang para sa Grades 2, 5, at 8. Susunod ang Grades 6, 9, at 10 na nakatakdang i-deliver sa 2026.
Patuloy ding ginagamit ang iba’t ibang alternative learning materials tulad ng lesson exemplars, ADM modules, decodable books, at digital resources sa DepEd LMS, Learning Resource Portal, at Likha App.
“Hindi lang ito basta pag-deliver ng gamit, ito’y paghahatid ng oportunidad,” ani Angara. “Kapag ang kagamitan ay aktwal na nararanasan sa mga silid-aralan, doon natin nararamdaman ang tunay na pagbabago.”
Para naman kay Principal Raffy Abilong ng Sta. Isabel Elementary School, dama na ang epekto ng maagang paghahatid ng kagamitan:
“Talagang may pagbabago sa DepEd ngayon. Sa pamumuno ni Sec. Sonny Angara, unti-unti nating naihahatid ang tunay na quality education sa mga bata.”
Sa pagsisimula ng bagong taon ng pag-aaral, mas lumalakas ang kumpiyansa ng mga guro at school heads, patunay na ang maagap na paghahatid ng resources ay susi sa epektibong edukasyon para sa bawat batang Pilipino.
More Stories
43rd PAL Manila Marathon, Babalik Na sa Hunyo 22
BARIL NG PULIS, PALITAN NG BOLO – PNP CHIEF TORRE (‘Pag di pumasa sa marksmanship)
Suspek Patay sa Buy-Bust sa Pasig; Dawit sa Ilegal na Bentahan ng Baril at Iba Pang Krimen