KUMPIYANSA ang Department of Education (DepEd) na epektibo ang mga ipatutupad nilang mga hakbang para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
“Learning will continue, COVID or no COVID,” wika ni Education Secretary Leonor Briones.
Ayon kay Briones, sa kabila ng samu’t saring mga kritisismo na kanilang natatanggap, handa na ang kagawaran para sa pagbubukas ng school year.
“Sinubukan namin dahil maraming nagsasabi ‘hindi kaya ng DepEd, hindi marunong ang DepEd, hindi nila makakayanan ang ganitong kalaking trabaho,’” wika ni Briones. “Nagkaroon kami ng simulation…sa city ng Navotas with the cooperation and full support of Mayor (Toby) Tiangco…and it was a very successful simulation…kindergarten high, school and college.”
Hinimok naman ng kalihim ang mga magulang na huwag masyadong mabahala dahil ginagawa naman ng DepEd ang lahat ng kanilang makakaya.
“Ang importante, patuloy ang edukasyon,” ani Briones. “Bubuksan ang classes on August 24. Ang question ay handa ba ang DepEd? Ang DepEd ay handa na. Nakita namin yan sa simulation. It will work.”
Bagama’t batid ni Briones na may mga mag-aaral na namomroblema dahil sa walang magagamit na gadgets para sa online platforms na inilatag ng DepEd, iginiit ng opisyal na hindi lang naman daw ito ang tanging paraan para ipagpatuloy ang pag-aaral.
“We are not insisting that they go online, kasi may ibang alternatibo,” anang kalihim. “Kung hindi pwede ang online…nandiyan ang telebisyon, nandiyan ang radyo.”
Maliban sa pakikipag-ugnayan sa PCOO, inihayag ni Briones na kanila nang ina-assess ang mga alok mula sa iba’t ibang mga private at public sector providers na tinawag nitong “alternatibong paraan” para magbahagi ng kaalaman.
Sakali naman aniyang walang internet connection, sinabi ni Briones na ipapadala sa mga paaralan at tahanan ang mga printed modules, sa pakikipagtulungan sa local government units.
Batay sa pinakahuling datos, nasa mahigit 20-milyon na ang mga estudyanteng nagpatala sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA