January 23, 2025

DepEd exec nag-sorry sa maling math lesson na inire sa TV

NAG-SORRY  ang Department of Education (DepEd) sa pagkakamali sa isang mathematical solution na umere sa isa sa kanilang mga blended learning episodes.

Una rito, umani ng batikos sa social media ang bahagi ng isang broadcast lesson ng DepEd TV kung saan itinuturo ang paraan ng pagkuha ng value ng x sa linear equation.

Ginamit kasi ang zero bilang divisor, na hindi puwede dahil magiging “undefined” ang sagot.

Sa isang pahayag, inamin ni DepEd Usec. Alain Pascua na maaaring nakalusot sa kanilang quality assurance ang bahaging ito ng programa.

Nangako naman si Pascua na kanilang itutuwid ang pagkakamali.

“Totoo pong may mali,” saad ni Pascua. “Nakalusot sa QA ang portion na ito. Kaya’t minabuti kong magpost para maituwid agad itong pagkakamali.”

Kasabay nito, nagpasalamat din ang opisyal sa mga pumuna sa nabanggit na episode.

“Sana naman ay ma-recognize rin ang galing at sakripisyo ng ating mga Teacher-Broadcaster, mga production team at buong DepEd TV, DepEd Commons, DepEd Youtube Channel teams,” anang opisyal.

“May maganda ring naidulot ang pagkakamali na ito at ang pag-critique sa maling ito,” dagdag ni Pascua. “Nalaman na rin ng buong bansa, bata o matanda, na hindi puwedeng maging divisor ang zero.”

Noong buwan ng Agosto nang mapansin din ng mga netizens sa content ng DepEd TV ang maling grammar at typographical error sa isang multiple-choice question.