
PASIG CITY, Hunyo 3, 2025 — Isang tahimik pero makapangyarihang pagbabago ang naramdaman ni Teacher Mark Anthony Asis ng Camarines Norte — mas magaan na ang kanyang araw-araw na trabaho bilang guro. Ito’y matapos bawasan ng Department of Education (DepEd) ang mga kailangang i-accomplish na school forms ng mga guro ng 57%, sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Mas makakapag-focus ako sa pagtuturo at magagabayan ko nang maayos ang aking mga mag-aaral,” ani Teacher Asis. “Hindi na ako maggugugol ng maraming oras sa paperwork. Mas maihahanda ko ang aking mga leksyon at makakapagbigay ako ng feedback sa mga bata.”
Batay sa DepEd Order No. 06, s. 2025, mula sa dating 174 forms, limang (5) regular forms na lang ang kailangang kumpletuhin ng lahat ng guro. Mayroon namang 31 forms para sa ancillary tasks at 39 forms para sa teaching-related assignments, depende sa kanilang naitalagang tungkulin ayon sa DepEd Order No. 005, s. 2024.
“We’re clearing the runway so teachers can fly,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara. “Ito ay deklarasyon na ang de-kalidad na edukasyon ay hindi puwedeng ihiwalay sa kapakanan ng mga guro.”
“Binawasan natin ang pasanin ng mga guro. Sa bawat gurong gumagaan ang trabaho, may batang mas natututo,” dagdag pa ni Angara.
Hindi lang oras ang naibalik sa mga guro — pati ang sigla ng pagtutulungan at pag-aaral sa kanilang hanay.
Para kay Jenalyn Trance ng Graciano Lopez Jaena Elementary School sa Iloilo City:
“There is an improved collaboration among teachers. May oras na kami para magbahagi ng best practices, mag-team teaching, at sumali sa mga training para sa aming professional growth.”
Sa Camarines Sur, ramdam din ito ni Teacher Catherine Fajardo Santa Maria ng Camarines Sur National High School:
“Nagiging mas innovative at flexible kami sa aming mga approach. Mas may panahon kami sa mas epektibong pagtuturo at coaching.”
More Stories
5 Patay, Kabilang ang Sanggol at 2 Bata, sa Sunog sa Pasig
₱200 DAGDAG-SAHOD LUSOT SA KAMARA
₱450K HALAGA NG HIGH-GRADE MARIJUANA NASAMSAM SA MARIKINA