November 17, 2024

Dentista dinampot sa mga baril at granada sa Caloocan

TIMBOG ang 59-anyos na dentista matapos sakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng search warrant makaraang magpositibo ang impormasyon hinggil sa pag-iingat niya ng mga armas sa Caloocan City.

Dakong alas-4:35 ng hapon ng Miyerkules nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Northen Police District (NPD) District Mobile Force Battalion (DMFB) at Caloocan City Police Station ang raid sa bahay ni Prospero Oropesa sa 434 Cherry Blossom St., Bo. Sto Nino, Brgy. 187 sa bisa ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130.

Sa ulat na tinanggap ni NPD Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr., humiling ng search warrant sa korte ang Northern CIDG matapos maiprisinta ang kanilang testigo na magpapatunay na may mga hindi lisensiyadong armas na nasa pag-iingat ng suspek.

Ayon kay BGen. Penones, nakuha ng mga operatiba sa bahay ni Oropesa ang isang kalibre .9mm pistol na may dalawang magazine na parehong naglalaman ng pitong bala ng ,9mm, isang caliber .45 pistol na may nakalagay na magazine na may dalawang bala at isang MK2 na granada na dahilan upang arestuhin siya ng pulisya makaraang walang maipakitang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang mga armas.

Mga kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms ang Ammunition Act at R.A. 9516 o Illegal Possession of Explosive ang isinampa ng pulisya laban kay Oropesa sa Caloocan City Prosecutor’s Office.