January 27, 2025

DENR USEC ANTIPORDA SA UP EXPERT: BAYARAN KAYO!

Ininspeksyon nina DENR Sec. Roy Cimatu at Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan ang dolomite sand o artificial white sand na nasa Manila Bay sa Roxas Boulevard.  Ayon naman kay  DENR Usec. Benny Antiporda, hindi na-washout ang dolomite sa Manila Bay kundi ‘na-wash in’ ang itim na buhangin. (JHUNE MABANAG)

BINIRA ni Department of Environment of Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda ang University of the Philippines (UP) expert matapos nitong batikusin ang “white sand” beach project sa kahabaan ng Manila Bay, kung saan binansagan niya ang mga ito na “bayaran”.

Sa isang televised briefing, ibinulgar ni Antiporda na binayaran ng pamahalaan ang UP scientist ng  P500 milyon simula 2016 hanggang sa taong kasalukuyan.

“Base po sa pag-aaral ng inyong likod, kalahating bilyon po ang binayaran namin sa kanila simula 2016 hanggang taong ito. Kalahating bilyon na puro lang po konsultasyon, wala pong infrastructure, walang lahat. Yan yung binayaran natin sa UP [experts] na yan,” ayon sa naturang opisyal.

“We are now calling the attention of the Commission on Audit to conduct an audit against the UP. Especially UP Marine Science Institute,” dagdag pa niya.

Kinuwestiyon din ni Antiporda kung bakit ang mga UP expert na ito, na nagtatrabaho para mismo sa gobyerno, ay naniningil ng karagdagang bayad sa gobyerno para sa kanilang serbisyo. Dagdag pa nito na “wala silang karapatan” na punahin ang mga proyekto ng DENR.

“Ang UP po sa buong pagkaalam natin ay libre dapat yan, ano po? Bakit kayo naniningil sa gobyerno? Matapos kayong pag-aralin ng taumbayan, pagkatapos kayo maging scholar ng taumbayan, sisipsipin niyo ang dugo ng taumbayan sa dami ng kinuha niyong pondo?”

“Tapos ngayon, gumagawa kami ng maganda, kailangan magbayad kami sa inyo? Wag naman. Hindi niyo karapatan batikusin ito dahil bayaran kayo. Yun lang po ang masasabi ko sa UP. Uulitin ko, bayaran kayo,” aniya pa.

Sinabi ito ng DENR official matapos ilahad ng UP Institute of Biology na willing silang tulungan ang DENR sa “science-based rehabilitation program” sa Manila Bay.

“The recent effort of dumping dolomite sand on a reclaimed part of Manila Bay is not the best way of spending government money; a critical resource during the pandemic that could have been put to better use by spending for the needs of medical frontliners and the millions of our hungry fellow Filipinos,” wika ng mga UP expert.

“Rehabilitating mangroves (based on species-substrate matching and species zonation) is an example of a nature-based solution (NbS) that is cheaper and more cost-effective than the dolomite dumping project,” dagdag pa nila.