December 24, 2024

Delivery boy ng tubig arestado sa ninakaw na motorsiklo

ARESTADO ang isang water delivery boy matapos masabat ng pulisya sa Oplan Sita habang sakay ng ninakaw na motorsiklo sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PSSg Julius Congson kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga tauhan ng Polo Police Sub-Station 5 sa pangunguna ni P/Cpt. Robin Santos sa kahabaan ng M.H. del Pilar corner M. Hernandez Street, Brgy. Mabolo nang parahin nila ang isang pulang Honda Click motorcycle na minamaneho ng isang lalaki dakong alas-2:50 ng hapon.

Sa isinagawang beripikasyon ng pulisya, napag-alaman na ang nasabing motorsiklo ay kinarnap habang nakaparada sa Nepa Street corner Buendia Street, Tondo, Manila, dakong alas-2:55 ng Huwebes ng madaling araw.

Kaagad nakipag-ugnayan si P/Cpt. Santos sa Raxabago-Tondo Police Station (PS-1) at nang dumating sina PCpl Edgardo Magno Jr at Pat Cris Anocop ay positibo nilang kinilala ang nagmamaneho ng nasabing motorsiklo na si alyas ‘John Rey’, 20 ng Gagalangin Tondo, Manila na siyang tumangay sa subject motocycle na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.

Kapag natapos na ang proper documentation, ang suspek at ang ninakaw nitong motorsiklo ay pormal na itinurn-over sa MPD PS1 para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay ‘John Rey’.