November 3, 2024

DELA ROSA SA IATF: TIYAKIN ANG HERD IMMUNITY BAGO MAG-ELEKSYON

Dapat tiyakin ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makakamit ng bansa ang herd immunity bago pa idaos ang 2022 national elections, ayon kay Senator Ronald Bato Dela Rosa

Ito ay kasunod ng pahayag ni Majority Floor Leader Migz Zubiri na halos 50 % ng mga botante ang hindi boboto sa 2022 dahil sa takot na mahawaan ng COVID-19 base sa isang survey.

Una ring ikinababahala ni Zubiri na posibleng ang mahahalal na leader ng bansa mula sa presidente hanggang sa konsehal ay hindi nagmula sa boto ng mayorya ng Pilipino.

Suportado din ni Dela Rosa ang panawagan ni Zubiri sa Commission on Election (COMELEC) na gawin sa dalawang araw ang botohan para hindi magkukumpol-kumpol sa mga presinto ang mga botante.

Giit ni Dela Rosa na ang dapat maluklok sa pwesto lalo na sa pagkapangulo ay iniluklok ng mas nakakaraming mga Pilipino at hindi lamang ng mga Pilipinong hindi takot sa COVID-19.

Dahil dito, hinihikayat din ni Sen. Zubiri na magpabakuna na ang lahat para maiwasan ang naturang scenario na kanyang ikinabahala.

Batay sa 2021 Ulat ng Bayan Pulse Asia Survey, 46 % ang “hindi boboto”, 35 % ang nagsabi “Oo” at 19 % ang di tiyak sakaling mataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar o barangay sa araw ng eleksyon sa May 2022.

Samantala, nauna nang lumutang ang Lacson-Sotto Tandem para sa pagkapangulo at bise presidente para sa susunod na election sa 2022.

 Habang tumitindi din ang panawagan kay Davao City Mayor Sara Duterte para susunod na maging presidente at papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte.