December 23, 2024

Dela Rosa magiging patas sa imbestigasyon sa shooting incident sa Jolo na ikinamatay ng 4 sundalo

Tiniyak ni  Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na wala itong papanigan sakaling imbestigahan ng Senado ang nangyaring shooting incident sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng apat na sundalo.

Ayon kay Dela Rosa, na siyang chairman ng Senate Committee on Public Order, asahan na ang patas at walang pinapanigang imbestigasyon na isasagawa ng Senado hinggil sa kasong ito.

Giit ng senador, hindi aniya nangangahulugan na porke dati syang PNP chief, kanya nang papaboran ang Pambansang Pulisya.

Dapat aniyang tandaan na tulad ng PNP, kasamahan rin umano niya sa pma ang mga sundalo o militar.

Giit ng mambabatas, kapag sya umano ang humawak ng Senate inquiry, kalilimutan aniya na dati syang naging hepe ng PNP.

Sisiguruhin umano niya na lalabas ang katotohanan at mananagot ang dapat managot.

Kailangan aniyang maibigay sa mga naulilang pamilya at sa apat na nasawing sundalo ang  nararapat na hustisya.

Umapela naman si Dela Rosa sa mga ground sub-commanders ng PNP at AFP na iwasan na ang pagbibigay ng mga pahayag na magpapalaki lamang sa problema.

Paliwanag ng senador, habang maaga pa dapat nang maresolba at mapigilan na lumala pa ang sigalot sa magkabilang panig lalo na’t pareho aniyang talo sa pangyayaring ito ang pamahalaan.