May 18, 2025

Deanna Wong, pinarangalan bilang fan favorite sa kauna-unahang PVL Press Corps awards night

MANILA – Pasok sa panibagong milestone si Deanna Wong, star setter ng Choco Mucho Flying Titans, matapos siyang hirangin bilang Fan Favorite sa unang PVL Press Corps Awards Night na gaganapin sa Novotel Manila Araneta City ngayong Mayo 28.

Tinalo ni Wong ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa Premier Volleyball League matapos makalikom ng 24,000 boto sa isinagawang online poll sa opisyal na Facebook page ng PVL Press Corps. Kasunod niya sina Jema Galanza ng Creamline (12,000 votes), Alyssa Valdez (10,000), at Bea De Leon (6,400).

Si Wong ay isa sa pinakasikat na atleta sa bansa na may mahigit 866,000 followers sa Facebook, 1.4 milyon sa Instagram, at 2.4 milyon sa TikTok, dahilan para tawagin siyang tunay na “people’s choice.”

Samantala, ang Game 2 ng quarterfinals ng PVL All-Filipino Conference sa pagitan ng PLDT at Choco Mucho ay kinilalang Pilipinas Live Game of the Year. Sa larong ito na ginanap noong Marso 20 sa PhilSports Arena, nanaig ang Flying Titans sa isang 5-set thriller, 25-15, 12-25, 25-23, 21-25, 15-13, upang makapasok sa semifinals.

Pinarangalan din ang Chery Tiggo Crossovers ng Fair Play Award matapos makalikom ng anim na green cards sa parehong Reinforced at All-Filipino Conferences, bahagyang lumamang sa Akari. Ang green card ay ibinibigay bilang simbolo ng katapatan kung saan inaamin ng isang player o koponan ang kanilang pagkakamali, iniiwasan ang delay at video challenge.

Bukas pa rin ang boto ng mga fans para sa “Star of the Night” sa mismong awards night. Maaaring bumoto sa pamamagitan ng pag-react sa post ng PVL Press Corps Facebook page: PVL Press Corps Facebook

Ang event ay layuning kilalanin ang kontribusyon ng mga manlalaro, koponan, at tagahanga sa lumalawak na tagumpay ng Premier Volleyball League sa bansa. (RON TOLENTINO)