November 23, 2024

DE LIMA LIGTAS SA HOSTAGE TAKING SA CAMP CRAME (3 preso tigok sa tangkang pagtakas)

Photo Courtesy of DILG Sec. Benhur Abalos

IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring hostage incident sa loob ng PNP Custodial Center sa Camp, Crame sa Quezon City kaninang umaga.

Sa naturang insidente napatay din agad ang tatlong Person Under PNP Custody (PUPC) na pawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at may kinakaharap na mga kasong murder, frustrated murder, kidnapping at illegal detention.

Nangyari ang insidente dakong alas-6:30 araw ng Linggo, Oktubre 9, 2022 sa loob ng PNP Custodial Center habang naghahatid ng pagkain si Police Corporal Roger Agustin sa Maximum Compound. Kasabay daw ito ng oras kung saan pinapayagang lumabas ang mga Person Under PNP Custody (PUPC) para magpaaraw.

Bigla na lamang umanong sinasak ng improvised na kutsilyo ng tatlong preso na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan, at Feliciano Sulayao Jr. si Corporal Agustin. Nagtangka umanong tumakas ang tatlo. Binaril umano ng isang pulis sina Cabintoy at Susukan.

Tumakbo naman umano sa selda ni De Lima si Sulayao saka hinostage ang senadora.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Action Force kung saan na-neutralized si Sulayao at iniligtas ang dating senadora habang isinugod sa ospital ang nasaksak na pulis.

Humupa na ang tensiyon sa loob ng detention facility at bumalik na sa normal ang sitwasyon habang patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari upang i-review ang security protocols sa loob ng PNP Custodial.

yon kay Interior Secretary Benhur Abalos, humingi pa ng helicopter ang mga hostage taker para makatakas.

“Gusto kong iklaro sa mga nakikinig ngayon, itong tatlong ito ang target nila ay tumakas… Na-hostage si [former] Senator. Tinalian at piniringan ang mata. Humihingi ng kung ano-ano, ng hammer, ng helicopter, et cetera,” pahayag ni Abalos sa mga reporter sa Camp Crame.

Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na hindi si De Lima ang tinarget ng grupo.

“Hindi naman po siguro kasi parang nagkataon lang siguro na nandoon si Senator de Lima. Nakita nila na ito ang magandang cover. Kung puntirya nila si Senator de Lima, siguro hindi na nila hinintay ‘yung pulis,” pahayag ni Azurin.

“Ang intensyon na nakikita ko talaga diyan, they really want to escape,” dagdag pa ni Azurin na nagkumpirma pang planado ang nangyari.

“Definitely po ganun ang nangyayari kasi ‘yung ginamit na parang knife ay improvised. Kaya nga sabi ko sa ating camp commander, i-check nang mabuti ‘yung mga ano… They should not give any room or chance sa mga prisoner ng mga nandoon na makagawa ng improvised tools,” aniya pa.