
Magiging bahagi ng impeachment panel laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte sina dating Senadora Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno, kapalit ng dalawang kongresistang natalo sa katatapos na halalan.
Kinumpirma ng kampo nina De Lima at Diokno na kanilang tinanggap ang imbitasyon ni House Speaker Martin Romualdez, na kilalang kritiko ni VP Duterte.
“Former Senator De Lima and Atty. Diokno are two of the most respected legal minds in the country. Their potential inclusion in the prosecution panel would add credibility, balance, and depth to this constitutionally mandated process,” pahayag ni Romualdez.
Ayon kay De Lima, tinanggap niya ang imbitasyon bilang tugon sa panawagan ng tungkulin.
“My decision comes from a place of duty and principle. I have always stood for truth, accountability, and the rule of law — across different administrations, regardless of political affiliation. That commitment remains unchanged,” aniya.
Kinumpirma rin ng Akbayan Party-list na susuportahan nila ang pagsali ni Diokno sa panel.
“As the principal endorser of the first impeachment complaint and after thorough party deliberations, we extend our full support to this historic process of accountability,” ayon sa pahayag ng grupo.
Si De Lima ang unang nominee ng party-list group na Mamamayang Liberal (ML), na ayon sa partial at unofficial results ng Commission on Elections, ay inaasahang makakakuha ng isa sa 63 upuan sa Kamara. Si Diokno naman ay nangungunang nominee ng Akbayan, na tiyak nang makakaupo ng tatlong puwesto matapos manguna sa party-list race.
Papalitan nina De Lima at Diokno sina Ako Bicol Rep. Jil Bongalon at GenSan Rep. Loreto Acharon, na parehong nabigong makakuha ng panibagong termino sa Kongreso. Natalo si Bongalon sa Albay 1st District laban kay Krisel Lagman, habang si Acharon ay bigong talunin si Shirlyn Banas-Nograles sa General Santos City.
Samantala, inaasahang mananatili sa impeachment panel ang siyam pang House prosecutors na pawang mga abogado at nagwagi muli sa halalan. Kabilang dito sina Reps. Romeo Acop (Antipolo), Arnan Panaligan (Oriental Mindoro), Lorenz Defensor (Iloilo), John Keith Flores (Bukidnon), Rodge Gutierrez (1-Rider), Marcelino Libanan (4Ps), Bel Zamora (San Juan), Gerville Luistro (Batangas), at Joel Chua (Manila).
Parehong kilalang kritiko ng Duterte family sina De Lima at Diokno. Si De Lima ay naging tagapagsalita ng unang impeachment complaint laban kay VP Duterte noong Disyembre, habang ang Akbayan, na kinakatawan ni Diokno, ay matagal nang bumabatikos sa paggamit ni Duterte ng confidential funds.
Para kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, magandang hakbang ang pagkakasama nina De Lima at Diokno.
“They are both lawyers, both consistent defenders of human rights, and both long-time critics of former president Rodrigo Duterte’s brutal war on drugs — exactly the kind of voices we need to restore accountability,” aniya.
Ayon sa House rules, maaaring ihalal ang mga prosecutor ng impeachment panel sa pamamagitan ng majority vote ng mga kasapi ng Kamara, basta’t may quorum.
More Stories
Iba-ban si referee Collantes… DESISYON MALAMANG MABALIGTAD PABOR KAY SUAREZ NG PILIPINAS
Drug suspect, tiklo sa buy-bust sa Valenzuela
Lalaki, kalaboso sa bakal sa Caloocan