January 19, 2025

DE LEON, TAGUINOTA NG PILIPINAS, KAPWA GOLD SA SEA AGE GROUP SWIMFEST

TINIYAK  nina Jennuel Booh De Leon at Arabella Nadeen Taguinota na hindi uuwing bokya sa gold medal ang Team Philippines matapos ang kahanga-hangang panalo sa kani-kanilang kategorya sa ikalawang araw ng 45th Southeast Asia Age Group Swimming Championships nitong Biyernes sa Jakarta, Indonesia.

Nadomina ng De Leon, 16, pambato mula sa Aklan, ang boys 16-18 class 50m butterfly sa tyempong 25.40 segundo laban sa Malaysia swimmer na si Bernie Elle Yang Lee, 25.49. Nakopo ni  Thanaseat Thanonthisitsakul ng Thailand ang bronze (25.72).

Dinugtungan ng 14-anyos na si Taguinota ang selebrasyon ng Team Philippines na nabuo sa masinsin na National tryouts na isinagawa ng bagong liderato ng Philippine Aquatics sa pamumuno nina President Miko Vargas at Secretary-General Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.

Naisumite ni Taguinota ng Pasig City ang tyempong 1:13.40 para pagwagihan ang girls 14-15 class 100m breastroke laban sa premyadong Vietnamese na si Thuy Hien Nguyen (1:14.07) at Natthakita Leekitchakorn ng Thailnd (1:14.50).

Humataw naman ng silver medal si Estifano Joshua Ramos sa 16-18 boys 200m backstroke sa oras na 2:10.39 sa likod ng gold medalist na si Tran Tuan Mai ng Vietnam (2:06.10). Pangatlo si  Pasawat Kantakom ng Thailand (2:13.06).

Nakopo naman ni Aishel Cid Evangelista mula sa Caloocan City ang ikalawang bronze medal matapos pumangatlo sa 13 & Under Boys 200m Freestyle sa tyempong 2:05.12 laban kina

Patchanan Chinmatchaya ng Thailand (1:59.13) at  Suphakphong Nuntapiyawan (2:02.11).

“We’re very happy and very excited. Actually, double happy dahil naka-bronze medal din ang ating diver. Nakakuha tayo ng medalay sa dalawang discipline proving that we’re on the right direction,” pahayag ni Buhain patungkol naging kampanya ni Joseph Reynado laban sa siyam na kalahok sa sa Boys Platform event (16-18).

Ang 16-anyos na si Reynado ay isa sa apat na divers na isinama ni Buhain sa koponan sa pangangasiwa ng dating SEAG medalist coach Nino Carog at Marie Michie.

“Comparative speaking, this is a good re-start for Philippine swimming. Hopefully, maging daan ito para mas ganahan at magpursige ang iba nating swimmers na hindi pinalad sa tryouts to train hard and prepared themselves for the coming tournaments. Meron pa tayong Asian Age Group Championship in December at Clark City,” pahayag ng two-time Olympian at Philippine Sports Hall-of-Famer.

Sa unang araw ng kompetisyon nitong Huwebes, kumubra ang Team Philippines ng 2walong medalya, tampok ang dalawang silver medal ni National junior record holder sa 13-under class Jamesray Ajido sa boys 14-15 100m fly (57.12) at 100m back (1:00.68). Nagwagi naman ng bronze medal sina De Leon (16-18 50m free, 24.35); Clark Kent Apuada (14-15 50m free, 24.64); Kalil Taguinod (16-18 50m breast, 29.99); Ivo Enot (16-18 100m back, 59.21); Mishka Sy (16-18 200m IM, 2:23.29) at Aishel Evangelista (13-under 200m IM, 2:19.83).