December 24, 2024

DAYUHANG PASAWAY SA QUARANTINE PERIOD, IPADE-DEPORT – BI

IPADE-DEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan na lalabag sa mga patakaran na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang mga dayuhan na hindi susunod sa batas at ang lantarang pagsuway sa mga patakaran at person of authority ang siyang magiging sanhi  para sila ay ipatapon pabalik sa kanilang bansa.

Kung maalala noong nakaraang taon, isang Spanish national ang na-blacklisted dahil sa umano’y paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) policies at pinagmumura pa ang pulis ng Makati.

Muling ipinaalala ni Morente na ang mga dayuhan na hindi rerespeto sa mga awtoridad ay ituturing na undesirable aliens.

 “Foreign nationals who disrespect symbols of our country and persons of authority are not welcome in the Philippines,” babala niya.

Idinagdag din ni Immigration Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr. na nakatanggap sila ng mga report na ilang foreign executives ng mga kompanya ang lumabag sa IATF protocols sa Pilipinas sa kanilang pinagtatrabahuhan.


 “We will be conducting an investigation on these reports, and if found with merit, will file immigration cases against aliens involved,” pahayag niya.

Dagdag pa nito na ang gagawing aksyon ng immigration laban sa mga pasaway na dayuhan ay hiwalay sa kasong kriminal na isasampa laban sa kanila ng mga awtoridad.