November 3, 2024

DAVAO OCCIDENTAL COCOLIFE TIGERS, IATF AT MPBL

NASA siyento-porsiyento nang kundisyon ang frontliners ng Davao Occidental Cocolife Tigers bilang paghahanda sa napipintong pagbabalik sa hardcourt ng pinaka- inaabangang Maharlika Pilipinas Basketball League.

Ayon kay Tigers deputy team manager Ray Alao, bagama’t naudlot ang liga dahil sa pandemya, optimistiko ang koponan ni Dumper Party List  Congresswoman  Claudine Bautista ng Davao Occidental  sa timon ni manager Dinko Bautista at basketball operation head Bong Baribar, maririnig muli ang atungal ng Tigers sa hardwood sa tamang tiyempo upang maituloy ang misyong national championship sa ligang MPBL na inorganisa ni sports enthusiast  Senator Manny Pacquiao.

“Hundred percent condition sina Mark (Yee), Bonbon (Custodio), Billy (Robles) at iyong mga players nating naka-base sa Davao at Cebu na tuloy ang training via zoom bukod sa physical conditioning sa kani-kanilang balwarte sa panahon ng lockdown. Our Tigers are raring to roar,” sambit ni Alao sa team na suportado nina Cocolife president Atty. Jose Martin Loon, Retail Division Chief Senior VP Joseph Ronquillo, VP Rowena Asnan at EVP Franz Joie Araque.

Hinihintay na lamang ng pamunuan ng MPBL ang pahintulot mula sa Inter-Agency Task Force ( IATF) on Covid-19 upang maituloy na ang nalalabing laro ng natenggang Lakan Cup.

Umaasa si MPBL Commissioner Kenneth Duremdez  na maisasagawa ang Lakan Cup semifinals sa Pebrero sa Subic.

“Nag-follow up kami ng request diretso na kay DOH secretary Francisco Duque. Hopefully ma-approve na. Ang target natin ay sa huling bahagi ng Pebrero sa SBMA Freeport Zone”, wika ni Duremdez.

Ang Davao Occidental Cocolife Tigers, Basilan Steels, Makati Super Crunch at defending champion San Juan Knights  ang mga natitirang teams sa Lakan Cup  na nagtutunggali sa South at North Division.

Ayon pa kay Duremdez , kumpleto ang facilities sa Subic na kailangan ng liga para sa  magsagawa ng ‘bubble’na pabor sa personnel at teams.

Ang Davao Occidental Cocolife Tigers na South Division champion noong nakaraang taon at ga-buhok na lang ay abot na ang pambansang titulo kontra nginitian ng suwerteng Knights ay haharapin ang karibal na Basilan sa isang rubbermatch sa South Division kung saan ang mananalo ay makakalaban ang magwawagi sa pagitan sa North Division na Makati vs San Juan para sa prestihiyosong national championship ng Lakan Cup.

“Nagpapasalamat ang buong tropa ng Tigers  sa management, kay Gov. Claude Bautista, Bos M’dam Claudine, manager Dinko at sa Cocolife dahil ‘di nila pinabayaan ang kapakanan ng koponan kahit sa panahon ng pandemya. Handa na ang Tigers na ialay ang tagumpay sa kanila at  sa  masugid na followers at tagahanga (MPBL fans) especially Davaoeños” ani pa Alao.

Kung naging matagumpay na nairaos ng PBA ang kanilang bubble conference sa Clark, Pampanga na naunang nakakuha ng go signal sa IATF noong ‘ber months, 2020 ay marapat na ring pahintulutan ng naturang task force ang MPBL  upang matapos na rin ang nabiting liga na tanyag na sa bayang basketbolista…

ABANGAN!!!