October 31, 2024

Davao Occ. Cocolife Tigers National Champion sa MPBL Lakan Cup… ‘MISSION ACCOMPLISHED!’

MATAPOS ang paghihintay nang mahabang panahon, natupad din ang misyon. Naipaghiganti  ang kanilang mapait na kabiguan noong nakaraang season mismong sa koponang nagtarak ng  punyal sa kanilang dibdib na kay-bigat na malimutan.

Ang paghihintay ay pinainip pa ng pagkatengga sa panahon ng pandemya.

Dumating ang sandali ng katotohanang malasap ang tamis ng tagumpay ng paghihiganti nitong nakaraang Linggo ng gabi.

Dinaig ng south division titlist Davao Occidental Cocolife Tigers ang ‘arch rival’ nitong defending champion San Juan Knights 89-88 via overtime upang angkinin ang Lakan Cup crown ng Maharlika Pilipinas Basketball League sa Subic bubble,SBMA sa Olongapo City.

Isang pambali ng gulugod na tres ang itinarak ni main man Mark Yee sa huling 14 segundo ng extra period ang sumelyo ng panalo para sa Davao Cocolife para sa kampeonato, 3-1 sa serye.

Ang season’s best defensive player na si Yee ay kumamada ng  19 points, 12 rebounds at 3 blocks na sumunod kay topscorer Emman Calo na may 22 puntos.

Ang sportsman awardee na si Billy Robles ay may 11 puntos tulad ni Joseph Terso.Nag-ambag naman sina Kenneth Mocon (9), Marco  Balagtas (8), Gerwin Gaco (4), Chester Saldua (3) at Bonbon Custodio sa pagtupad ng kanilang misyong ‘payback time kontra San Juan.

Sa pagsultada ng bakbakan,agad nagparamdam ang Tigers ng kanilang bangis nang lumamang ito ng 16 puntos sa unang yugto pero hindi bumigay ang San Juan sa pangunguna ni season MVP John Wilson,Jonnard Clarito, Larry Rodriguez at Mike Ayonayon upang idikit ang laban.Nakuha pang umalagwa ng Knights sa third period kahit di na nakabalik ang injured nilang frontliner na si Ayonayon.

Ang  Davao Occidental  Tigers nina team owners Gov. Claude Bautista, Rep. Claudine Bautista, manager Dinko Bautista, basketball operation head Bong Baribar na suportado nina Cocolife president  Atty. Jose Martin Loon, SVP Joseph Ronquillo, VP Rowena Asnan at EVP Franz Joie Araque, ay nakuhang limitahan ang top gunner ng Knights na si Wilson partikular sa endgame. Sina Rodriguez (19), Clarito (18), Isit (14), Wilson (13), Wamar (7), Tajonera (6), Gabawan (4), Ayonayon (3) at Aquino (2) ang nanindigan sa losing  cause ng San Juan.

“Ramdam ko ang basbas ni God nang pawalan ko ang tres na iyon. Salamat Po!”, wika  ni King Tiger Yee sa pagtanggap ng kanyang finals MVP.

“Sobrang sarap ng Gift of God na nagpasulit sa paghihirap ng buong team dito sa bubble” pahayag naman ni deputy manager Ray Alao in behalf of management na kanyang pinasalamatan at ang pangunahing taga-suporta na Cocolife.

“We have big God from the start. Cocolife really believe in the management and all the members of the team as we will continue to support Davao Occidental Tigers if they wish to continue next season,” paniyak ni  SVP Ronquillo na sinegundahan ni VP Asnan: “Cocolife has always beleived in the capability of the team to rise despite the odds. The challenges that  we have faced in the past pushed us to work harder and smarter. It’s all about passion, respect and love for the team and the game. We offer everything to the Almighty”.