November 2, 2024

Dating pulis at 1 pa, arestado sa P544K shabu

Sa kulungan ang bagsak ng dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang dating pulis matapos makumpiskahan ng higit sa P.5 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang naarestong mga suspek na si Freddielin Alayon, 37, (Watchlisted), dating PNP Member ng F3 Shellhouse, Kaunlaran Village, Caloocan City at Romely Gonzaga, 27 ng No. 16, Florencia St., SFDM, Quezon City.

Ayon kay Gen. Ylagan, nakatanggap ng maraming reklamo ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) hinggil sa talamak umanong pagbebenta ng shabu ng isang dating pulis sa Brgy. 12 at kalapit na mga barangay sa lungsod.

Sa pamamagitan ng intelligence driven operation, isinagawa ng mga operatiba ng NPD-DDEU sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan Jr. sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Giovanni Hycenth Caliao I ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Rizal Ave. corner C3 Road, Brgy. 113 bandang 10:30 ng gabi.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa isang undercover police na nagpanggap na buyer kapalit ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 80 gramo ng shabu na tinatayang nasa P544,000.00 ang halaga, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at 11 piraso boodle money, weighing scale, cellphone at isang Nmax motorcycle.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.