November 24, 2024

DATING PALAWAN GOVERNOR REYES, IPINADARAKIP NG SC

INATASAN ng Korte Suprema ang Palawan City RTC na muling ipadakip si Dating Palawan Governor  Mario Joel Reyes na itinuturong nagpapatay sa environmentalist na si Dr. Geraldo ‘Gerry’ Ortega, mas kilala bilang Doc Gerry, noong January 24 2011 ng umaga.

Batay sa 8-pahinang Notice ng Supreme Court First Division na linagdaan ni Atty. Librada Buena, Division Clerk of Court,  idinismis ang petisyon ni Reyes na kumukuwestiyon sa paglilitis ng Palawan City RTC Branch 52 at sa pagpabor ng Court of Appeals kaugnay sa kinakaharap niyang kasong murder.

Ayon sa Korte Suprema, tama ang naging hakbang ng mababang hukuman na litisin sa kaso si Reyes

Sinabi rin ng SC na hindi nagkamalí ang appellate court nang katigan ang desisyon ng lower court.

Kaya umakyat sa Kataas-taasang Hukuman ang kontrobersiyal na dating Gobernador, ngunit àyon sa SC, bigo rin si Reyes na maghain ng kapani-paniwalang paliwanag na magpapatunay na nagkamali o umabuso sa kapangyarihan ang hukom.

Sa pagdismis sa petisyon ni Reyes, pinaliwanag ng SC na may mga issue sa kaso na nangangailangan ng full blown trial na maaaring maisagawa lamang ng trial court.

Kabilang dito ang salaysay ng mga testigo na nagtuturo kay Reyes na utak sa pagpaslang kay Doc Gerry.

Nakasaad rin sa Notice ng SC na agad arestuhin si Reyes at ikulong.