May 12, 2025

Dating PAGCOR chair, 4 iba pa, hinatulan ng 100 taon pagkakakulong

MANILA — Tinuldukan na ng Sandiganbayan ang matagal nang iniimbestigahang kontrobersya kaugnay ng maanomalyang paggastos sa pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) — at sa sentro nito, si dating PAGCOR Chairman Efraim Genuino at apat pang opisyal na ngayo’y nahatulan ng mahigit 100 taon na pagkakakulong dahil sa kasong graft at malversation of public funds!

Sa isang 257-pahinang desisyon na inilabas ng Sandiganbayan Third Division kahapon, idineklarang guilty sina Genuino, dating PAGCOR president at COO Rafael Francisco, dating SVP for Administration Rene Figueroa, dating SVP for Corporate Communications Edward King, at dating AVP for Internal Audit Valente Custodio sa limang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at limang bilang ng malversation ng pera ng bayan.

Ayon sa korte, may sapat na ebidensyang iniharap ang Office of the Ombudsman upang patunayan na nagkutsabahan ang mga akusado upang ilihis ang P50.05 milyong pondo ng PAGCOR mula 2005 hanggang 2008, at gamitin ito sa mga proyekto at materyales na may kinalaman sa BIDA Foundation — isang organisasyong itinatag mismo ni Genuino.

Kabilang sa pinagkagastusan ay mga tarpaulin, t-shirt, caps, at ID para sa BIDA members, lahat umano ay walang maayos na procurement process at hindi dumaan sa public bidding — paglabag sa mga patakaran ng gobyerno.

  • 6 hanggang 10 taon bawat bilang ng graft (5 counts)
  • 10 hanggang 17 taon, 6-11 taon, at reclusion perpetua (20-40 taon) para sa malversation
  • P45.17 milyon kabuuang multa

Sa kabila ng bigat ng sentensiya, ayon sa Article 70 ng Revised Penal Code, hindi lalampas ng 40 taon ang aktuwal na ikukulong sa sinumang akusado.

Habang ang limang opisyal ay nahatulan, napalaya sila sa 14 pang kaso ng graft at 15 kaso ng malversation na may kaugnayan sa iba pang transaksyon, kabilang ang P44.05M na donasyon sa mga pribadong organisasyon at ang kontrobersyal na pagbili ng movie tickets sa pelikulang Baler noong 2008.

Hindi naman kasali sa hatol si dating PAGCOR VP Ester Hernandez na hanggang ngayon ay wanted pa rin at itinuturing na “at large.”

Lumabas din sa imbestigasyon ng Ombudsman na ginamit umano ni Genuino ang BIDA Foundation upang suportahan ang bid nitong tumakbo bilang party-list noong 2010 elections, na kalauna’y natalo rin.

Ito ang malinaw na ehemplo ng kung paanong ginagamit ng ilang opisyal ang pondo ng taumbayan para sa pansariling interes, ayon sa mga kritiko.