November 6, 2024

Dating konsehal, 15 sugarol arestado dahil sa illegal gambling

Sa kulungan ang bagsak ng 16 katao kabilang ang dating konsehal ng Lobo, Batangas na pasimuno ng illegal na sugal na “mahjong” matapos maaktuhan ng mga tauhan ng Batangas Provincial Office-Provincial Intelligence Unit (BPPO-PIU) katuwang ang Lobo Municipal Police Station noong Abril 5, 2024, sa isang illegal gambling den sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Kinilala ang dating konsehal ng bayan na dinakip na  Ridian Dueñas, 52 anyos at ang mga sugarol na sina Herman Armamento, 49, Simeon Ramirez, 63, Efren Gupo, 37, Lauro Manalili, 59, Neolito Ada, 60, Renato Macatangay, 52, Randy Obea, 43, Joel Tolentino, 52, Wenceslao Biacora, 58, Noli Del Mundo, 50, Mario Lat, 56, Jerico Montalbo, 27, Roy Macatangay, 50, Roel Delgado, 56, at si Lauro Manalili, 59-anyos na pare parehong residente sa nabanggit na bayan.

Base sa ulat na ipinadala ni Batangas Police Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte kay Calabarzon Police Regional Director Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, sinalakay nila ang pasugalan ni Dueñas makaraang makatanggap ng maraming sumbong galing sa mga concerned citizen sa lugar.

Nasamsam sa lugar ang 4 mahjong tables, 4 sets of mahjong tiles, 16 Pcs. Monoblock Chairs at perang taya sa sugal na P2,800.00.

Samantala nagpapatuloy  umano ang pagsasagawa ng palihim na operasyon ng illegal numbers game o STL-Jueteng sa naturang bayan na hindi pa rin mapigilan ng lokal na pamahalaan ng Lobo ayon sa mga hindi nagpakilalang residente.

Mahaharap ang mga inarestong indibidwal sa kasong paglabag sa (Illegal Gambling Law) o Presidential Decree 1602. (KOI HIPOLITO)