April 19, 2025

DATING ILOILO MAYOR JED MABILOG, MULING LUMAHOK SA VIA CRUSIS

Larawan mula sa Bombo Radyo

Matapos ang halos pitong taong pamamalagi sa ibang bansa, muling nasilayan sa isang pampublikong debosyon si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog nang siya’y lumahok sa Via Crucis (Daan ng Krus) nitong Biyernes Santo sa kanyang parokya sa Barangay Obrero.

“Ang panlalait at pag-uusig habang pasan ko ang krus ay hindi naging hadlang upang ipagpatuloy ko ang aking panata,” ani Mabilog sa isang post sa Facebook, bilang pagbabalik-tanaw sa kanyang pinagdaanan.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok si Mabilog sa Daan ng Krus mula nang lisanin niya ang bansa noong 2017, kasunod ng banta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya’y ipapapatay sa umano’y pagkakaugnay sa ilegal na droga — isang paratang na mariin niyang itinanggi.

“Ngayon, salamat Panginoon! Muli ko na naman itong pasan,” dagdag ni Mabilog.

Isang debotong Katoliko, inilahad ni Mabilog na ang kanyang pananampalataya ang nagsilbing lakas niya sa mga panahong humaharap siya at ang kanyang pamilya sa patuloy na banta sa kanilang buhay.

Simula pa noong 2003, naging bahagi na ng taunang Biyernes Santo si Mabilog sa Via Crucis ng Assumption of Our Lady Parish sa Barangay Obrero. Habang nasa Amerika sa kanyang pag-i-exile, sinabi niyang ipinagpatuloy pa rin niya ang debosyon sa piling ng mga komunidad ng mga Mehikano.

“Sa pitong taong malayo sa bayan, naranasan ko ito kasama ang mga komunidad ng Mehikano. Pero iba pa rin talaga ang Barrio Obrero,” ani Mabilog.

Bilang alkalde noon, nakilala rin si Mabilog na dumadalo sa Via Crucis, bitbit ang isang malaking kahoy na krus bilang tanda ng kanyang pananampalataya at pakikiisa sa komunidad.

Nilisan ni Mabilog ang bansa noong Agosto 2017 kasunod ng patuloy na banta sa kanyang buhay kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon. Bumalik siya sa bansa noong huling bahagi ng 2023 at tahimik na muling isinabuhay ang kanyang debosyong panrelihiyon.