February 21, 2025

DATA BREACH SA PCSO, FAKE NEWS

Naglabas ng babala sa publiko si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles dahil sa kumakalat na fake news sa social media, na nagsasabing na-hack ang database ng ahensya ng isang hindi kilalang grupo ng mga hacker.

Ayon kay Robles, walang naganap na paglabag sa seguridad o matagumpay na hacking sa sistema ng ahensya.

“Ito ay pekeng balita. Walang breach at wala ring matagumpay na tangkang i-hack ang sistema ng PCSO. Wala kaming naiulat sa Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil walang nangyari,” ani Robles. Tiniyak din niya sa publiko na nananatiling matibay at ligtas ang digital security ng PCSO, sa kabila ng paulit-ulit na hacking attempts sa nakaraan.

Nag-ugat ang maling impormasyon mula sa isang Facebook post ng grupong “Philippines Exodus Security,” na nagpakilalang nakakuha sila ng personal na detalye ng mga lotto winners mula 2016 hanggang 2025.

Ayon sa grupo, nakuha nila ang mga pangalan, address, numero ng telepono, ID, at winning numbers ng mga nanalo matapos nilang mapasok ang email accounts ng ilang empleyado ng PCSO.

Gayunpaman, nilinaw ni Robles na ang datos na tinutukoy sa nasabing post ay may kinalaman lamang sa mga kalahok ng isang promo noong Marso 2022 sa PCSO Cagayan branch, at hindi sa lotto winners.

Dagdag pa niya, ligtas sa head office ang database ng lotto jackpot winners at hindi ito konektado sa mga sangay ng ahensya.

“Ligtas ang database ng mga nanalo sa lotto at ito ay nasa head office. Ang mga sangay ay hindi konektado rito,” paliwanag ni Robles. Ipinunto rin niya na ang mga screenshot na ipinakita ng sinasabing hackers ay naglalaman ng impormasyon ng mga lumahok sa promo, kaya’t walang kaugnayan ang inilabas na datos sa mga nanalo sa lotto.

Noong una, sineryoso ng DICT ang mga paratang at inanunsyo ang isang imbestigasyon sa umano’y data breach. Ngunit matapos ang paliwanag ni Robles, naging malinaw na walang katotohanan ang mga ulat.

Hinimok ni Robles ang publiko na huwag mag-panic at huwag basta maniwala sa maling impormasyon. “Relaks lang, Araw ng mga Puso ngayon, huwag nating hayaang masira ito dahil sa mga grupong gustong dungisan o pagdudahan ang integridad ng ating mga laro. Hindi pa April Fool’s Day kaya huwag tayong basta-bastang maniwala,” dagdag niya.

Ang mabilis at hayagang tugon ng PCSO ay nakatulong upang tiyakin sa publiko na nananatiling maayos at mapagkakatiwalaan ang operasyon ng ahensya.