January 11, 2025

DAO ng DTI, papatayin ang industriya ng yero at bakal

Tila taliwas sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na buhayin at pasiglahin ang ekonomiya ang hakbang na ipinalabas ng Bureau of Philippine Standards sa ilalim ng Department of Trade and Industry sa pamumuno ni Sec. Ramon Lopez.

Sa ipinalabas na Department Administrative Order (DAO) ng BPS ipina-uutos nito ito na dagdagan ang mga dokumentong ipepresinta ng kumpanya ng yero at bakal bago mailabas ng mga ito ang mga materyales.

Ang ibig sabihin, papatayin ang mga kumpanya dahil sa mas mahabang proseso na hinihingi ng DTI. Unti-unti nitong papatayin ang industriya ng yero at bakal.

Ang  kasalukuyang 15 araw  na proseso sa pag-angkat ng yero at bakal ay lubhang matagal na para sa mga negosyante, na ngayon ay nadadagdagan pa dahil di umano sa “evaluation”.

Sakaling makalabas ang materyales ay hindi pa din ito maibebenta , matutulong pa din ito at di pa maibebenta dahil sa hihintayin pa ang inspection ng mga taga DTI na sigurado hindi mag aapura dahil hindi naman sila ang masasaktan.

Maliwanag na pahirap ito sa ekonomiya.  Bakit kaya itinataon ng DTI ang karagdagang prosesong ito, gayong  hindi pa nakakaahon ang Pilipinas sa pagkadapa sanhi  ng pandemiya.

Mukhang wrong timing ito. Maliwanag na hindi makakagaan sa buhay ng mga negosyante kundi parusa ang gagawing ito ng DTI.

Nararapat lamang sigurong imbestigahan ng Malakanyang ang hakbang na ito ng DTI. Sapagkat binabalewala nito ang kagustuhan no Pangulong Duterte na alisin ang “red tape” sa mga ahensiya ng pamahalaan upang pagaanin ang buhay ng mga Filipino.

Ang DAO na ito ang tuluyang magpapabagsak sa matamlay nang ekonomiya ng bansa. Kontra din ito sa pinaplanong  MGCQ  na rekomendasyon IATF upang palakasin ang maraming bumagsak na negosyo sa bansa.